LUCENA CITY, May 17 (PIA) — Inaasahang mapapabilis na ang pagsusuri at pagtukoy sa mga pasyenteng tinamaan ng nakahahawang sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa probinsya ng Quezon matapos aprubahan ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahan nitong COVID-19 testing laboratory.
Sa isang pahayag, masayang ibinahagi ni Quezon Governor Danilo Suarez na inaprubahan na ng DOH ang “biosafety level 2 plus” (BSL-2+) molecular diagnostic laboratory sa probinsya ng Quezon.
Ito ay matapos pumasa ang Lucena United Doctors Hospital and Medical Center, ang ospital na nangangasiwa sa laboratoryo, mula sa accreditation ng DOH upang ganap na makapagsimula ang operasyon ng molecular laboratory nito.
Dagdag pa ng gobernador, inaasahang mapapabilis ng BSL-2+ laboratory ang pagsusuri sa mga COVID-19 patients sa lalawigan dahil sa kakayahan nitong makapagsagawa ng 90 COVID-19 tests sa isang araw at makapaglabas ng resulta sa loob lamang ng dalawang araw.
“Nais po natin ibahagi ang magandang balita na approved na ng Department of Health ang ating COVID-19 bio-safety laboratory 2+. Dahil po dito, magkakaroon na po tayo ng sariling testing area at mapapabilis na malaman ang resulta,” ani Gov. Suarez.
Ayon kay Gov. Suarez, ang nasabing laboratoryo ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Lucena United Doctor's Hospital Inc., City Government of Lucena at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.
Noong Mayo 8, ay lumagda sa isang kasunduan si Gov. Suarez kasama ang pangulo ng ospital na si Dr. Gerardo Carmelo Salazar, at Lucena City Mayor Roderick Alcala para sa operasyon at pangangasiwa ng nasabing laboratoryo.
Ang BSL-2+ molecular laboratory ang ikalawang COVID-19 testing laboratory sa rehiyon ng CALABARZON na inaprubahan ng Department of Health.
Sa ngayon, nananatili ang lalawigan ng Quezon sa may pinakamababang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon na ngayon ay nasa 79.
Batay sa datos na inilabas ng DOH Center for Health Development Region 4A ngayong Sabado, Mayo 16, 53 sa mga ito ay naitalang gumaling at naka-recover na mula sa nakahahawang sakit dahilan para bumaba ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan sa 18.
Kabilang naman ang lalawigan ng Quezon sa mga moderate-risk areas sa bansa na isasailalim na sa ‘general community quarantine’ simula Mayo 16 hanggang Mayo 31. (FSC)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments