DILG: Kasong kriminal laban sa 23 brgy officials, 110 iimbestigahan din dahil sa anomalya sa SAP 

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 18 (PIA) -- Nasa 23 barangay officials ang nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal dahil sa iba’t iba umanong anomalya hinggil sa pamamahagi ng ayudang pinansyal na bahagi ng social amelioration program (SAP) ng gobyerno.

Ito'y matapos magsampa ng kaso ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa kanila sa harap ng Prosecutors Office ng Department of Justice.

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año na nagsumite na ang PNP ng 12 kasong kriminal laban sa 23 mga opisyal ng barangay. Samantalang, apat na higit pang mga kaso ang isasampa sa mga susunod na araw, habang 110 na mga opisyal ng barangay ay kasalukuyan namang nasa ilalim ng "case build-up" pagkatapos ng kabuuang 318 ang nagreklamo sa buong bansa at nagsumbong ng "graft and corrupt practices" laban sa kanila.

“Sunod-sunod na ang pagsampa ng kaso ng PNP-CIDG laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay at sa kanilang mga kasabwat sa mga anomalya sa pagbibigay ng SAP. Puspusan na rin ang imbestigasyon at case build-up para masigurong makakalaboso ang mga walang-hiyang tao na ito na nakuha pang manggantso sa mga mahihirap nating kababayan,” ani Año.

Sinabi niya na ang karamihan sa mga maanumalyang kaso ay kasangkot ang mga punong barangay, mga barangay kagawad, mga barangay treasurer, barangay secretaries, mga empleyado ng barangay, purok leaders, at maging mga social workers.

Kabilang sa nasampolan ang isang barangay captain sa Tondo, sa Maynila matapos itong ireklamo ng limang katao dahil umano sa pagpili sa mga kaanak at kaibigan nito na maging SAP beneficiary sa halip na ang mga tunay na qualified beneficiaries.

Mayroon pa raw na insidente sa Pasay na isinama diumano ng punong barangay sa listahan ang kanyang mga empleyado sa laundry shop sa listahan ng SAP beneficiaries at pagkatapos ay pinapirma na suweldo daw nila iyon, ayon sa DILG.

Mga kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act ang isinampa ng PNP-CIDG laban sa mga opisyal at kawani.

Nauna nang inilipan ng pinuno ng DILG ang imbestigasyon at pagsampa ng kaso hinggil sa graft and corrupt practices sa PNP-CIDG mula sa mga DILG field offices. Habang ang mga kasong administratibo naman laban sa mga opisyal ay hahainan ng show cause order ng DILG, iimbistigahan ng field office nito at sasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Aniya, doble kayod ang PNP sa paghahabol sa mga tiwaling opisyal lalo na at nakatakdang ipamahagi ang second tranche ng SAP emergency subsidy ngayong buwan para sa mga mahihirap na pamilya.

“Nalalapit na ang pamimigay ng 2nd tranche ng SAP kaya hindi natin hahayaang makapanloko pang muli ang mga ito. Nakatutok ang kapulisan sa mga kasong ito dahil ayaw nating mas lalo pang maagrabyado ang mga SAP beneficiaries,” aniya. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments