MIYCF Team isinusulong ang tamang nutrisyon ng pamilya sa LB

BAY, Laguna, Mayo 16 (PIA) – Patuloy na isinusulong ng Mother, Infant and Young Child Feeding (MIYCF) Team ang tamang nutrisyon sa mga pamilya sa bayan ng Los Baños (LB) sa pamamagitan ng pamamahagi ng Nutri Care Packs na huling isinagawa noong Mayo 13, 2020.
 
Ngayong panahon ng pagsasakatuparan ng community quarantine dahil sa pandemyang Coronavirus Disease o COVID, apat na beses nang nakapamahagi ang MIYCF team ng mga Nutri Care Packs para sa kabuuang 1500 na mga pamilya na mayroong miyembrong sanggol, bata, nagpapasusong ina at buntis.
 
Ayon kay Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) Madeleine M. Alforja, “Layunin ng proyektong ito na isulong ang tamang nutrisyon para sa buong pamilya lalo na sa may mga maliliit na batang dalawang taong gulang pababa, mga inang buntis at nagpapasuso.”
 
Kasabay pa aniya ito ang pag-facilitate nila ng informal breastmilk-sharing para sa mga sanggol na nangangailangan ng supplemental feeding.
 
Kalakip rin ng bawat Nutrition Care Pack ang mga babasahin tungkol sa tamang breastfeeding o pagpapasuso at pagbibigay ng karagdagang pagkain sa mga batang anim (6) na buwang gulang pataas.
 
Isa pa aniya sa layunin ng programang ito ang mai-promote ang breastfeeding, maging ang kahalagahan ng pagkain nang masustansiya kahit sa panahon ng pandemya at pangangalaga sa kalikasan.
 
Ang malikhaing paraan na naisip ng MIYCF team para naman makatulong sa pagbabawas ng basura at mapangalagaan ang kalikasan ay ang pag-implementa ng amBAGS.
 
Ang amBAGS ay ang pangangalap ng mga used bags o luma nang mga bag upang gamitin na lalagyan ng mga Nutri Care Pack imbes na gumamit ng mga disposable na plastik at supot.
 
Hiling aniya ni Alforja na kahit papaano sana ay nakatulong ang kanilang mga ibinigay sa mga nakatanggap nito.
 
“Nagpapasalamat ako sa bumubuo ng LB MIYCF Action Team, volunteers, sponsors , barangay nutrition scholars o BNS, kay Kapitan Ian Kalaw sa pagpapagamit ng Batong Malake Covered Court at sa lahat nang tumulong sa proyektong ito,” pahayag ng Nutrition Officer.
 
Ang MIYCF ay isang kolaborasyon ng iba’t-ibang grupo at indibidwal kasama ang Municipal Nutrition Action Officer (MNAO), LATCH (Lactation, Attachment, Training, Counseling, Help) LB, Rotary Club of Los Banos, Makiling Motorcycle Club of LB, at Hon. Councilor Miko Pelegrina. (Joy Gabrido/PIA4A)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments