Puerto Princesa, nagpalabas ng lokal na panuntunan sa pinalawig na GCQ

Inilatag ni Mayor Lucilo Bayron sa ipinatawag nitong Press Conference ang mga nilalaman ng lokal na panuntunan sa pinalawig na general community quarantine (GCQ) sa lungsd ng Puerto Princesa na magtatagal hanggang Mayo 31. (Larawan ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 16(PIA) –- Nag-isyu ng Executive Order 2020-25, series of 2020 ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa bilang pag-adopt sa pagpapalawig ng general community quarantine (GCQ) mula May 16 hanggang 31.

Sa lokal na panuntunan, ilang umiiral na probisyon ang nabago katulad na lamang ng pag-aalis ng pagbabawal sa pagbebenta, at pag-inom ng alak, bagamat bawal pa rin ito kung gagawin sa mga pampublikong lugar.

Sa press conference na ipinatawag ng Puerto Princesa Inter-Agency Task Force (IATF), sinabi ni Mayor Lucilo Bayron na mananatili ang mga border checkpoint, habang magiging palipat-lipat naman ang mga nakatalagang checkpoint sa sentro ng lungsod.

Bubuksan din ang mga paliparan at pantalan, subalit para lamang ito sa mga pangargang pagkain at iba pang pangangailangan sapagkat ipagbabawal pa rin ang commercial flight hanggang Hunyo 10.

Babaguhin naman ang oras ng curfew, at gagawing alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Magpapatuloy naman ang operasyon ng mga sektor na binuksan sa panahon ng GCQ.

“Ang mga hotels, tatanggap lang ngmga long term bookings at dati nang naka-kontrata pati ang kinontrata ng city para sa 14-day quarantine ng mga returning OFW (overseas Filipino workers),” ani Bayron.

Tanging ang mga klase online lamang ang papayagan, at hindi pa ring maaaring magklase sa mga eskuwelahan.

Samantala, nilinaw naman ni Atty. Arnel Pedrosa, administrador ng siyudad na papayagang magkaroon ng pampublikong biyahe sa mga bayan sa Palawan mula Puerto Princesa, subalit naka-depende pa rin ito sa magiging pagpayag ng pamahalaang panlalawigan.

Kinakailangan din aniyang mag-presenta ang mga bibiyahe ng kanilang katibayan mula sa mga Municipal Health Office (MHO) at Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).

Samantala, ipinagbabawal pa rin ang mga pagtitipon upang mapanatili ang social distancing.

Sa pahayag ni Bayron, umapila siya ng pagkakaisa sa mga mamamayan upang mapanatiling ligtas ang pamayanan sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). (LBD/PIAMIMAROPA)

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments