Tagalog News: COVID-19 testing laboratory sa Palawan, may ‘license to operate’ na

Dr. Baquilod
‘License To Operate (LTO)’ binigay sa TB Culture Laboratory ng Ospital ng Palawan (ONP) bilang COVID-19 Testing Laboratory.

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 15 (PIA) -- Magiging mabilis na ang paglalabas ng resulta ng pagsusuri ng specimen sample ng mga pasyente pinaghihinalaang may COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan.

Ito ay matapos na mabigyan ng ‘License To Operate (LTO)’ ang TB Culture Laboratory ng Ospital ng Palawan (ONP) bilang COVID-19 Testing Laboratory.

Kanina sa virtual presser ng Department of Health (DOH)-Mimaropa, ipinahayag ni Regional Director Dr. Mario S. Baquilod na matapos mai-comply ng ONP ang lahat ng requirements na kinakailangan para sa COVID-19 Testing Laboratory ay nabigyan na ito ng lisenya para mag-operate.

“Ngayong may LTO na po ang ONP ay maaari na silang magsagawa ng COVID-19 testing gamit ang GeneXpert machine,” pahayag ni Dr. Baquilod.

Ipinapaalala rin ni Dr. Baquilod na ang DOH-Real Time-Polymerase Chain Reaction (DOH-RT-PCR) Testing Guidelines pa rin ang susundin sa pagsasagawa ng specimen testing.

“Sa pagkakataong ito ay mas marami na pong indibiduwal ang mate-test sa mas madaling panahon,” dagdag pa ni Dr. Baquilod.

Ang pagkakaroon ng LTO ng ONP ay inanunsiyo rin ni Provincial Health Officer Dr. Mary Ann Navarro sa pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 kanina.

Ang Palawan ang kauna-unahang lalawigan sa Rehiyon ng Mimaropa na nagkaroon ng COVID-19 Testing Laboratory. (OCJ/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments