Batangas Provincial Jail, nananatiling COVID-19 free

LUNGSOD NG BATANGAS, Hunyo 30 (PIA)--Nananatiling COVID-19 free ang Batangas Provincial Jail na matatagpuan sa Barangay Cuta sa lungsod na ito.

Ayon kay Atty. Genaro Cabral, Acting Provincial Jail Warden, lumabas noong Hunyo 22,2020 ang Polymerase Chain Reaction(PCR) swab test ng may 1,132 inmates ng Provincial Jail at lahat ito ay nagresulta ng negatibo.

“Kahit ang mga Persons Deprived of Liberties (PDLs) ay prayoridad ng pamahalaang panlalawigan dahil ito ay kanilang pananagutan lalo na sa kanilang kalagayan na nasa kulungan kung saan mas mabilis kumalat ang COVID-19 sakaling magpositibo dahilan sa kakulangan ng social distancing at halos dikit-dikit ang mga tao dito,” ani Cabral.

Dagdag pa ng opisyal, bago pa man ang pagsasailalim ng lalawigan sa Enhanced Community Quarantine ay nagsagawa na sila ng safety measures upang maiwasang makapasok ang virus at maingatan ang mga PDL’s.

Ilan sa mga hakbang na ito ang pansamantalang pagbabawal sa mga dalaw, pagkakaroon ng guard shifting upang maiwasan ang labas-pasok sa loob at regular na pagtugon at pagbibigay ng atensyong medikal sa mga inmates.

Maging ang mga jail guards na naka-duty ay sinisguro na nasa maayos na kalusugan habang patuloy na ipinatuutpad ang itinakdang health and safety protocols.

Matatandaang kamakailan ay binuksan na ang Batangas Provincial Isolation Facility for Persons Deprived of Liberties sa Brgy. Malainin sa bayan ng Ibaan na pinamamahalaan ng Department of Health Calabarzon. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from PIO PROVINCE)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments