LUNGSOD CALOOCAN, June 3 (PIA) -- Tahasang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga motor taxis mula sa mga motorcycle ride-sharing apps katulad ng Angkas ay ipinagbabawal pa rin sa general community quarantine (GCQ) sa ilalim guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF).
"Alam po namin na marami pong umaasa sa Angkas at iba pang motor taxis para makarating sa kanilang trabaho at destinasyon ngunit dahil sa banta ng Covid-19 , hindi pa rin pinahihintulutan ng gobyerno ang ganitong mode of transportation dahil sa violation ng physical distancing," sinabi ni Malaya.
Sa DILG Memorandum Circular no. 2020-083, inatasan ang lahat ng LGUs na istriktong ipagbawal ang motor taxis operation bilang regulatory measures sa public transportation sa ilalim ng GCQ.
Sinabi ni Malaya ipinagbabawal pa rin ang pagsakay sa likod ng motorsiklo kahit sa mag-asawa bilang bahagi ng physical distancing measures dahil magkakaroon ng close contact sa pagitan ng dalawang tao na maaaring maging sanhi ng transmission ng COVID-19.
"Naiintindihan natin ang hiling ng marami nating kababayan kaya lang ang pagsakay sa likod ng motorsiklo ay isang malinaw na violation ng physical distancing at mahirap sa kapulisan na i-check ang bawa't motorcycle kung mag-asawa nga ang nakasakay. Kung pahihintulutan naman natin ito, babahain tayo ng maraming violation mula sa mga hindi pinahihintulutan dito. Mas mataas ang panganib na idudulot sa kalusugan kaysa sa mga benepisyong makukuha dito," sabi pa ni Malaya.
Ilan sa mga maaring masakyan na iminungkahi ng DOTr sa post-pandemic period ay ang bisikleta at modernized PUVs dahil hindi masyadong magkakadikit ang mga tao dito at maiiwasan ang pagkalat ng virus sa mga pasahero. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments