ODIONGAN, Romblon, Hun. 29 (PIA) -- Sa pamamagitan ng isang sulat, humiling si Governor Jose Riano sa Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) na pansamantala munang ihinto ang pagpapauwi sa Romblon ng mga locally stranded individuals (LSIs) at Returning Overseas Filipino (ROFs).
Sa mensahe na pinadala ni Governor Riano kay Director Wilhelm Suyko, kasalukuyang Regional Director ng Department of Interior and Local Government-Mimaropa, at kasalukuyan ring chairman ng RITF, sinabi ni Riano na dagsa na ang umuuwi na LSI at ROFs sa probinsya kaya nahihirapan na ang pagpapatupad ng health protocols sa mga isolation centers.
Aniya, mismong ang mga alkalde ng 17 munisipyo sa lalawigan ang humiling sa kanya ng pansamantalang pagpapatigil sa pagpapauwi ng mga LSI at ROF.
"Kailangang suspendehin muna ang pagdating ng mga LSIs at ROF [sa probinsya] para mabigyan ng oras ang mga lokal na pamahalaan na mapaghandaan ang mga pasilidad na tutuluyan ng mga bagong batch ng mga Romblomanons," ayon sa liham ng gobernador.
Kung maaprubahan, pansamantalang ititigil ang pagpapauwi sa mga LSI at ROFs simula July 1 hanggang sa July 14.
Ang nasabing sulat ay kasunod sa pagpositibo sa Covid-19 ng isang LSI sa bayan ng San Fernando noong nakraang linggo. (PJF/PIA-Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments