Tagalog News: Agresibong contact tracing, ipatutupad sa Batangas City

LUNGSOD NG BATANGAS, Agosto 1 (PIA) --Magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng Batangas ng agresibong contact tracing na kahalintulad ng ipinatutupad sa lungsod ng Baguio.
 
Sinabi ni Mayor Beverley Rose Dimacuha, na nakipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na kilala bilang contact tracing czar dahilan sa mahusay nitong pagpapatupad ng contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanyang lungsod.
 
Nagsilbing lecturer si PLtCol. Armelina Manalong, CIDG PRO Calabarzon na siya ding nagsanay at nagturo ng contact tracing sa Baguio City.
 
Ang contact tacing ay isang uri ng pamamaraan upang hanapin ang mga tao na nakasalamuha ng isang nagpositibo sa COVID-19.
 
Ayon kay Manalong, isa sa mahalagang pamamaraan sa contact tracing ang e-system data collection. Kabilang dito ang data analysis at paggamit ng geographic information system (GIS) platform kung saan natutukoy ang lokasyon ng COVID-19 patient at ang mga nakasalamuha nito.
 
Tinalakay din ang ginagamit ng Baguio City na COVID19 Incident Management Work Flow kung saan una dito ang mga contact tracers na siyang nagsasagawa ng assessment at analysis sa COVID-19 patient. Sila din ang nagsasagawa ng swabbing at pagdadala sa isolation facilities upang magamot at tuluyang sumailalim sa psychological processing.
 
Batay pa sa plano, ang pununglunsod ang mag-uutos ng lockdown sa apektadong lugar kung saan ang PNP at Defense Security Services ang magdedeploy ng security team.
 
Ang punonglunsod din ang mamamahala sa Emergency Operations Center kung saan sa kaso ng Batangas City ay itatayo sa Teachers Conference Center.
 
Magsasagawa naman ng disinfection ang mga tanggapan ng Community Environment and Natural Resources Offices (CENRO) at Genersal Service Office (GSO) samantalang ang Public Information Office ang magpo-post ng covid updates sa Facebook page nito.
 
Binigyang-diin pa ni Manalo ang kahalagahan na ginagampanan ng mga local chief executives dahil nasa kanilang mabilis na pagkilos at kasanayan ang makakapagpabagal ng pagkalat ng COVID 19 infection.
 
Tinalakay din ang data collection tool na maaaring gamitin sa contact tracing katulad ng ginagamit sa law enforcement investigation.
 
Ayon kay Dra. Rosanna Barrion, pinuno ng City Health Office (CHO) na dalawang contact tracing teams na may 10 contact tracing personnel at 10 trained personnel sa contact tracing ang kanilang bubuuin.
 
Sa tala ng CHO, tatlo ang average number ng daily infection at 75 naman ang average na bilang ng swab tests kada araw. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with report from PIO Batangas City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments