Containment strategies upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 isinagawa sa Quirino

CABARROGUIS, Quirino, Agosto 15 (PIA)—Matapos makapagtala ng COVID-19 positive case sa lalawigan sa katauhan ni CV 481, mas lalo pang pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga containment strategy para masugpo at huwag nang kumalat ang sakit.

Ayon kay Gob. Dax Cua, isinalilalim na sa lockdown ang kanilang tahanan kung saan nagtratrabaho  si CV481 bilang kasambahay.

Puspusan na rin ang ginagawang contact tracing ng Cabarroguis Municipal Health Office kung saan ang  lahat ng close contacts ay inobligang ma-quarantine at ang lahat ng close contacts ng nasabing pasyente sa kanilang compound ay sumailalim na sa RT-PCR Testing.

Sa panig naman ng QPMC kung saan unang  na-admit si CV 481 dahil sa pagtatae, pina-decontaminate at pansamantalang ipinasara and ward kung saan ito na-admit.

Ang mga health care provider, kabilang ang mga doctor, nurse at housekkepers na nagkaroon ng pagkakasalamuha sa kanya ay agad sumailalim sa swab test at sa ngayon ay naka-quarantine.

Pina-igting din ang pagpapatupad ng infection control policies upang masiguro na ligtas at protektado ang mga Health Care Providers.

Mas pinaigting din ang pagpapatupad ng Triage System sa QPMC at patuloy  ang pag-aksyon at paglabas ng tapat na impormasyon sa pamamagitan ng mga opisyal na facebook pagesng kapitolyo at ibang ahensya.

Muli namang nagpalabas ng pahayag si Gob. Cua at kanyang inilahad na ang kauna-unahang kaso ng Covid-19 sa lalawigan ay kasambahay nila sa kanilang tahanan sa Baro A Lubong, Mangandingay dito sa Cabarroguis, isang 24 taong gulang na babae. Siya ay nasa Southern Isabela Medical Center na sa kasalukuyan at nasa maayos na kalagayan.

Ayon sa gobernador, ang nasabing pasyente ay walang travel history at tiyak na pagkakasalamuha sa sinumang nagpositibo sa COVID-19 dahil simula noong  nag-lockdown ang  probinsya noong Marso,  ang kanilang buong pamilya at mga kasama sa bahay nag-lockdown na rin sa kanilang  bahay.

“Siya po ay nagkaroon ng karamdaman ng pananakit ng tiyan,  na-admit po siya sa QPMC,  inobserbahan po siya doon at ayon sa kanyang attending physician ay non-COVID related po ang diagnosis. Ganun pa man nag-request po ng PCR ang hospital bago siya ma-discharge, just to be safe,” ani Gob. Cua.

Dagdag ng gobernador, noong naiuwi ang pasyente sa Baro a Lubong ay sumailalim siya sa isolation sa isang kwarto kung saan siya lang mag-isa doon para palipasin ang oras.

“Noong dumating po ang impormasyon, unexpected information na positive po ang resulta ng ating pasyente, agad po tayong nakipag-coordinate sa ating mga doctor, nagsimula na po tayo agad mag contact tracing at agad inabisuhan ang mga dapat abisuhan na mag self-isolate. Nagpa-disenfect na rin po kami sa QPMC, sa lahat ng areas na maaring napuntahan ng pasyente. Lahat ng medical and health staff na dapat maabiso ay naabisuhan na rin,” ayon pa kay Gob. Cua.

Saad pa ni Gob. Cua, nag swab test na rin ang kanilang buong household, kabilang siya  at pati ang mga doctor at nurse na nag-asikaso sa pasyente ay na- swab na rin.

“Huwag po kayong mag-alala vinovolunteer ko po kung ano man ang maging resulta ng aking test. I will share with all of you at pwede po nating i-share yon,” ani Gob. Cua.

Siniguro ni Cua na agad ipapaalam sa mga mamamayang Quirinian ano mang magiging updates na darating pa, at hindi sila magwi-with hold ng impormasyon.

“Kailyan, alam po ninyo hindi talaga expected, hindi ko talaga inakala  na itong ating kasambahay ay mag popositibo sa COVID-19  dahil nga po hindi talaga lumalabas ang ating pasyente. Ganun pa man, ang mensahe dito  ay mag-ingat tayong lahat.  Ee never know where the danger is coming or the infection will come from, mas mabuti nang mag-ingat,” ayon pa kay Cua.

Kasalukuyan na aniya ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang  pinagmulan ng virus, kung saan nahawa ang pasyente para maagapan  ang paglaganap ng sakit at agad maproteksyonan ang probinsya mula sa coronavirus.

“I would like to assure you though na kahit po magla-lockdown kaming pamilya dito sa aming household, ang atin namang opisina at ating provincial government ay hindi titigil ang serbisyo at patuloy ang kanyang operations to serve our people,” paniguro ng gobernador.

Ang buong pamilya ay maga-isolate at magla-lockdown ng 14 araw o depende sa  rekomendasyon ng DOH at siniguro ng gobernador na hindi sila magiging pagmumulan ng ng hawa kung meron man silang COVID.

Pinaalalahan ng gobernador ang mga mamamayang Quirinian na pag-ibayuhin ang pag-iingat at hiniling din nito na  kung  pwede ay  isama ang kanyang  pamilya sa mga panalangin. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments