LUNGSOD PASIG, Agosto 31 (PIA) -- Bubuksan na sa Setyembre ang ginagawang karagdagang isolation facility, ayon sa Pamahalaang Bayan ng Pateros.
Ang naturang pasilidad ay matatagpuan sa loob ng Pateros Elementary School sa P. Herrera Street.
Ang isolation facility na may 62 na karagdagang isolation beds ay bahagi ng mga isolation facilities na itinatayo ng Interagency Task Force (IATF) sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region, at sa pamamagitan ni House Speaker Allan Cayetano upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Kamakailan ay nagsagawa rin inspeksyon ang mga miyembro ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) na pinangunahan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Danilo Lim, Department of Health (DOH) Undersecretary Gerardo Bayugo, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Glen Paje, at Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Manuel Felix. Ayon sa lokal na pamahalaan, magagamit ang naturang isolation facility sa kalagitnaan ng buwan ng Setyembre.
Samantala, nakipag-pulong din kamakailan si MMDA Chair Lim, bilang inatasang miyembro ng IATF para tumulong sa pagpapaigting ng mga programa kontra COVID-19 sa lokal na pamahalaan ng Pateros, kay Mayor Ike Ponce upang pag-usapan ang COVID-19 response ng bayan at para sa iba pang suporta ng MMDA sa lokal na pamahalaan.
Nag-abot din ang MMDA ng mga donasyong relief goods para sa lokal na pamahalaan mula sa mga indibidwal at organisasyon na katuwang ng ahensya. (IsangPateros/MMDA/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments