QUEZON, Nueva Vizcaya, August 25 (PIA) - Nasa P7 milyong piso ang naibigay na tulong ang FCF Minerals Corporation sa bayang ito bilang suporta sa mga mamamayang apektado ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Runruno Barangay Captain John Babliing, ang tulong ng mining company ay ibinuhos sa Social Development and Management Program (SDMP) na nagbibigay ng iba't-ibang benepisyo sa Runruno at mga karatig na barangay ng bayan dahil sa mga proyekto at programa para sa mga mamamayan.
"Ang mga tulong na naibigay ay pinakinabangan ng mga mamamayan lalong - lalo na noong nag-umpisa ang pandemya sa aming bayan. Malaki ang tulong na naibigay ng kumpanya upang maibsan ang epekto ng COVID-19 sa amin," pahayag ni Babliing.
Batay sa report ng FCF Minerals Corporation sa barangay Runruno, may 25,000 na pamilya ang tumanggap ng iba't-ibang tulong mula sa kumpanya simula noong Marso ngayong taon.
Ang mga tulong na naibigay ay mga face shield, surgical masks, nitrite gloves, thermal scanners, alcohol at foot press alcohol pumps na ibinigay sa Provincial Health Offices ng lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino kabilang ang mga ospital gaya ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC), Municipal Healrth Offices (MHOs) ng Nueva Vizcaya at mga paaralan.
Napag-alaman pa sa report ng FCF sa barangay Runruno na may mga bigas, delata at iba pang grocery items din ang naibigay sa 6,751 na pamilya ng 12 barangay ng Quezon at ang mga karatig barangay ng Kasibu.
"Umaasa kami na magtuloy-tuloy pa ang tulong na ibinibigay ng kumpanya upang lalong mabigyan ng ayuda ang aming mga mamamayan," pahayg ni Babliing.(MDCT/BME/PIA 2-Nueva Vizcaya)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments