Tagalog News: Former rebels kabilang sa mga lumahok sa training of trainers para sa 'organic agriculture'

LUNGSOD NG BUTUAN, Setyembre 1 (PIA) - Dating kasapi ng New People’s Army (NPA) si alyas Henry na sumuko 29th Infantry Battalion ng Philippine Army. Kung dati ay baril ang kanyang armas, ngayon ay mga kaalaman na sa organic farming ang kanyang sandata para malabanan ang kahirapan sa buhay.

“Nananawagan ako sa aking mga kasamahan na nasa bundok pa na bumaba na at tayo ay magkaisa at magtulungan sa ikauunlad ng ating komunidad,” ani ni Henry.

Ang training sa organic farming ay bahagi ng PEACE (People Empowerment in Agriculture for Community Enterprise) Project na inisyatibo ng Provincial Task Force To End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).

Hakbang ito ng gobyerno para sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) kung saan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang lead agency.

Isang paraan din ito para masugpo ang insurhensiya sa rehiyon.

Kabilang din si PFC Reymar Aballe ng 23rd Infantry Battalion sa mga gustong tumulong sa mga lokal na residente na magkaroon ng masaganang taniman para sa kabuhayan nila. “I-impart ko po sa kanila kung ano po ang natutunan ko dito especially sa pagawa ng fertilizer o abuno sa mga pananim natin sa bukid,” sabi niya.

“Dapat sa buwan ng Oktubre, yung gagawin nilang Demo Farm ay magiging accredited site na ng Agricultural Training Institute (ATI) para pagdating ng Nobyembre, ma-accredit din siya ng TESDA as farm school,” pahayag ni TESDA-Agusan del Norte provincial director Rey Cueva.

Panawagan naman ni alyas Henry sa mga kabataan sa kanilang lugar na huwag magpalinlang sa mga makakaliwang grupo.

Samantala, kinilala naman ni Major General Maurito Licudine, commander ng 402nd Brigade, Philippine Army ang bumubuo ng PRLEC dahil sa kanilang mga pagsisikap at nagawang proyekto at programa lalo na sa mga mahihirap na kababayan. “Marami na rin kayong nagawa at sana mapagpatuloy pa ito upang mas marami pang mga kababayan natin ang makikinabang at matulungang makaahon sa buhay lalo na ngayong may pandemya,” ani niya.

Matapos ang training, nakahanda nang magtungo ang mga trainers sa mga natukoy na barangay sa probinsya para tulungang mahasa ang bawat komunidad sa pagpapaunlad ng organic agriculture na malaking tulong sa kanilang kabuhayan. (JPG/PIA-Caraga)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments