‘Internet Transactions Act’ ni Gatchalian para tiyakin ang online consumer protection

Kuha mula sa Tanggapan ni Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Sept. 4 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang kanyang panukalang batas na "Internet Transactions Act" para magkaroon ng istriktong regulasyon na magbibigay proteksyon sa mga mamimili mula sa mga mapanlinlang at kaduda-dudang transaksyion o bentahan sa internet sa gitna ng dumadaming bilang ng mga napapa-register na online business.

Ang Senate Bill 1591 ay naglalayong baguhin ang regulasyon ng online transaction sa bansa at gawing patas para sa kapakanan ng mga mamimili lalo na’t nakagawian na ng marami ang pagbili ng mga produkto sa online ngayong panahon ng pandemya. 

“Walang habol ang online buyers kung may problema sa nabili nilang produkto. Kaya ito ang nais ayusin sa aking inihaing panukalang batas – na papanagutin ang mga gumagawa ng mga mapanlinlang na transaksiyon sa internet, lalo na’t napakalawak ng merkado at padami nang padami ang mga nagpapa-register ng online business,” ayon kay Gatchalian.  

Mas mabilis nga, anang senador, ang transaksiyon sa eCommerce, kasabay ng babalang baka maakit ang mga tao na bumili ng mga produkto na maglalagay naman sa kanila sa kapahamakan.

Sa isang pagdinig sa senado, inihalimbawa ni Gatchalian ang mga binibentang supplement sa iba’t ibang online shopping platform na lingid sa kaalaman ng marami ay baka hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration o FDA.

Nanawagan ang mambabatas sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa mga online shopping platform na ayusin ang mga panuntunan para mapanagot ang mga tiwali.

“Patuloy na nangyayari ang mga ganito.  Ano ba’ng ginagawa ng mga online shopping platform para mahinto ang mga ganitong iligal na transaksiyon?,” tanong ni Gatchalian.

Umabot sa 73,276 ang bilang ng mga online business na nagparegister sa DTI mula March 16 hanggang August 31, kumpara sa 1,753 na mga nagparegister bago mag-lockdown.

Ayon kay Gatchalian, ang Senate Bill 1591 o ‘Internet Transactions Act’ ay naglalayong masolusyunan ang mga problema sa eCommerce tulad ng imprastraktura sa internet, pagbubuwis nito at iba pang reklamo ng mga consumer sa online.

Samantala, dismayado ang senador sa Bureau of Internal Revenue o BIR dahil hanggang ngayon ay hindi pa pwedeng magparegister sa sistemang online ang mga negosyong nasa online. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments