Kalidad ng pampublikong sasakyan kailangan nang itaas--LTOP

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 5 (PIA) -- Nagpahayag ng buong pagsang-ayon si Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) President Lando Marquez sa isinusulong ng pamahalaan na Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP para sa mga tradisyunal na jeepney  sa bansa.

Sa kanyang panayam sa Laging Handa public briefing ng Presidential Communications Operations Office nitong Sabado, sinabi ni Marquez na “talagang kailangan na” na ma-modernize ang jeepney transport sector.

“Talagang kailangan na nating mag-modernize dahil nga iyong programa ni Pangulong Duterte, kami po ay sumusuporta [dito],” aniya.

“Kailangan na itaas natin ang kalidad ng pampublikong sasakyan dahil ang amin sineserbisyohan, ito ang mga trabahador na tunay na bumubuhay ng ekonomiya,” dagdag pa nito.

Magugunitang ang PUVMP ay inilunsad ng Department of Transportation noong 2017, na may layong gawing higit na episyente at environment-friendly ang sistema ng transportasyon sa bansa pagsapit ng taong 2020.

Kabilang dito ang pag-phase out sa tinatayang 200,000 na tradisyunal na pampasaherong jeepney para mapalitan ng higit na moderno, energy-efficient, at mas ligtas na eco-friendly vehicles sa buong bansa. 

Sa kabila nito, nanawagan naman si Marquez sa gobyerno na muli silang makapasada sa gitna ng umiiral na general community quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.

“Iyong aming main thoroughfare na ruta ng mga jeepneys sana naman po ay mapapasada na po sila para sa ganoon ay hindi na namamalimos sa kalsada ang ating kasamahan sa jeepney transport sector,” aniya, kasabay ng pagsabing nakahanda ang kanilang hanay na tumalima sa lahat ng umiiral na health protocols upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

“Iyong ruta na byaheng Pasig-Quiapo ay sana papasadahin na po iyong mga jeep. Libo-libong tao na po ang lumalabas ngayon, at kami naman po ay susunod sa protocols ng ating gobyerno na mayroong face mask, face shield, alcohol, listahan sa registration ng mga pasahero,” dagdag niya.

Ani Marquez, halos nasa 60 hanggan 70 percent na ruta ng kanilang grupo ang hindi pa pumapasada.

“Gusto namin na mabuhay, dahil matagal na panahon ay kami ay nag-self-support na trabaho,” giit nito.

“Kami po ay nalulungkot dahil ang unang pinapasada ng LTFRB [Land Transportation Franchising and Regulatory Board] ay itong mga contracting passenger na TNVS [Transport Network Vehicle Service]. Papaano naman kami na tinguriang pambansang panlupang sasakyan ng Pilipinas na gutom at namamalimos sa kalsada?” dagdag pa nito. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments