No home quarantine, inirekomenda ng NTF sa Batangas kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19

BATANGAS CITY, Set 24 (PIA) -- Inirekomenda ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang pagsasaayos ng containment strategies ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Batangas partikular ang paglalagay ng mga positibong kaso sa mga quarantine facilities upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pagbisita ng NTF at Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ngayong Miyerkules, Setyembre 23, sinabi ni Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. na pangunahin ang 'home quarantine' sa mga nakita nilang dahilan kung bakit naging mabilis ang pagkalat at pagtaas ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Nakakaalarma aniya na mahigit 70-porsiyento ng kabuuang aktibong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Batangas ay nagpapagaling lamang sa kanilang mga tahanan.

Pahayag ni Sec. Galvez, karamihan sa mga naka-home quarantine na positibong kaso ay hindi maaayos na maisasagawa ang mga kaukulang health protocols dahilan upang mahawa ang mga kasama nito sa kanilang tahanan gayundin sa mga makakasalamuha ng mga ito.

Ayon sa Batangas Provincial Health Office, umakyat na sa kabuuang 2,612 ang aktibong kaso ng nakakahawang sakit sa lalawigan kung saan 2,004 sa mga ito ang nakasailalim lamang sa home quarantine.

Kaya naman inirekomenda ni Sec. Galvez ang pagdadala ng mga pasyenteng magpopositibo sa sakit sa mga quarantine facilities. Tiniyak din ng kalihim na tutulong ang NTF sa pagsasaayos ng mga karagdagang quarantine facilities sa probinsiya.

"Itong home qurantine ay tuluyan sana nating maiwasan. We will have directive na we will restrict home quarantine at gagamitin na natin ang mga hotels, mga resort at mga quarantine facilities para matutukan ang mga asymptomatic patients," ani Galvez.

"Mawawalang bisa ang aggressive testing at aggressive contacty tracing kung hindi natin completely ma-isolate ang mga positive patients," dagdag ng kalihim.

Sinabi ni Sec. Galvez na isa rin ang pagsasagawa ng home quarantine kung kaya't naging mabilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa kabilang ang Cebu at Laguna na nauna nang pinuntahan ng NTF Against COVID-19.

Ngayong Miyerkules, Setyembre 23 ay nagtungo ang mga kinatawan ng NTF Against COVID-19 at CODE Team sa Batangas upang maghain ng ilang mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan. (FSC)
 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments