Tagalog News: Calamba City LGU nagbigay paalala sa pagbubukas ng mga hotel, resorts sa lungsod

CALAMBA CITY, Laguna, Sep 21 (PIA) – Muli nang pinapahintulutan ng pamahalaang lungsod ng Calamba ang pagbabalik operasyon ng mga hotel at resorts sa lungsod kasunod ng paglalagay sa buong lalawigan ng Laguna sa 'modified general community quarantine' simula Setyembre 1 hanggang Setyembre 30.

Kaugnay nito ay patuloy ang pamahalaang lungsod ng Calamba sa pagbibigay ng mga paalala sa publiko para sa kapakanan ng bawat mamamayang Calambeño.

Sa panayam kay Jeffrey Rodriguez, department head ng Calamba City Public Order and Safety Office sa programang Usapang PIA, binigyang linaw nito ang mga alituntunin na dapat sundin ng mga may-ari ng hotel at resorts gayundin ng mga bisita nito upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa laban pa rin sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, ang mga bisita na tatanggapin lamang sa mga resorts, hotels at iba pang accommodation establishments sa lungsod ay dapat magmumula sa mga lugar na nasa ilalim din ng MGCQ.

Dagdag pa nito na 50-porsiyento lamang ng kapasidad ng mga naturang establisimyento ang pinapayagang buksan at kinakailangan na may kaukulang permit mula sa Department of Tourism (DOT) na nagpapatunay na sumunod sa mga itinalagang requirements ang mga accommodation establishments.

Inabisuhan din ni Rodriguez ang mga may-ari ng hotel at resorts kaugnay ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols.

Sisiguruhin din aniya ng kanilang tanggapan na mapapatawan ng karampatang kaparusahan, ang mga mahuhuling lalabag sa Administrative Order No. 2020-002 o 'Guidelines on the Operations of Hotels and Other Accommodation Establishments Under a Community Quarantine' na inilabas ng DOT.

“Ang pinakamalaking naging hamon sa POSO ay ang mga lumalabag sa ating guidelines minsan dumadating tayo sa punto na kinakailangang ipatigil o ipasara ang mga negosyo na nag-violate sa guidelines,” ani Rodriquez.

Bahagi ng kanyang mensahe sa publiko ang pagbibigay paalala na patuloy ang kanilang tanggapan gayundin ang buong pamahalaang lungsod sa tapat na serbisyo lalo’t higit sa gitna ng pandemya na kinakailangang mas mahigpit bantayan ang mga mamamayan upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa ibinabang guidelines ng national government.

“Wala po tayong pinipili, lahat ng antas ng ating mamamayan ay ating pagseserbisyuhan, sinisiguro natin na naipatutupad ang batas sa mahirap o sa mayaman, wala po tayong pinipili, sabi nga nila no one is above the law,” pahayag ni Rodriguez. (CO/FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments