Tagalog News: COVID Fund Loan Assistance Program ng LGU Odiongan, inilunsad

Inilunsad noong nakaraang Setyembre 17, ang programa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan na tutulong sa mga negosyanteng naapektuhan ng pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 o Covid-19. (Larawan mula sa Odiongan Public Information Office)

ODIONGAN, Romblon, Setyembre 24 (PIA) -- Inilunsad noong nakaraang Setyembre 17, ang programa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan na tutulong sa mga negosyanteng naapektuhan ng pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 o Covid-19.

Ito ay ang COVID Fund Loan Assistance Program.

Lumagda ang lokal na pamahalaan ng Odiongan kasama ang Cooperative Development Authority at mga katuwang na kooperatiba, St. Vincent Ferrer Parish Multi Purpose Cooperative, Kabalikat para sa Diyos at Bayan MPC, Department of Agrarian Reform Community Multi Purpose Cooperative, at Agra Progreso Multi Purpose Cooperative sa isang memoramdum of agreement noong Huwebes bilang hudyat ng pagsisimula ng nasabing programa.

Ang COVID Fund Loan Assistance Program ay programa ng lokal pamahalaan na naglalayong matulungan sa pagbangon muli ang mga small and medium enterprises sa pinansyal na pinsalang dulot ng COVID-19.

Naglaan ang Lokal na Pamahalaan ng P2,000,000 na siyang hahatiin sa apat na kooperatiba upang ipautang sa mga negosyante.
Ito ay may mababang interest na tatlong porsiyento per annum at P300 processing fee para sa kooperatiba.

Ang bawat negosyante ay maaring makautang mula P5,000 hanggang P15,000 na maaring bayaran sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon.

Para sa mga gustong mag-apply sa nasabing programa, maari silang bumisita sa mga sumusunod na kooperatiba:

  • St. Vincent Ferrer Parish Multi Purpose Cooperative
  • Kabalikat para sa Diyos at Bayan,
  • Department of Agrarian Reform Community Multi Purpose Cooperative
  • Agra Progreso Multi Purpose Cooperative

Kinakailangang miyembro kayo ng alin mang kooperatiba, at merong business permit mula sa barangay o munisipyo para maproseso ang inyong aplikasyon.

Ang paglalagda ay dinaluhan nina Mayor Trina Firmalo-Fabic, Vice Mayor Diven Fos Dimaala, SB Kit Firmalo, SB Rolando Forca, SB Alexander Formento, SB Gecelle Fainsan, SB Quincy Anne Bantang, LNB President Kap. Juvy Faderogaya, at IMPR Nicolas Ferranco. Sa hanay ng mga kooperatiba, ito ay dinaluhan nina CDA Representative, Ms. Helen Servañez, Mr. Jee A. Alisasis ng St. Vincent Ferrer Parish MPC, Mr. Alueramy F. Musca ng KADBAYAN, Ms. Irene B. Maulion ng DAR Community MPC at Ms. Nancy I. Familara ng Agra Progreso MPC. Ito rin ay dinaluhan ng Municipal Cooperative Development Council Chairperson, Engr. Alexander Foja Jr., UKR Chairperson Mr Eddie Mame, Mr. Nicasio Fiedacan Jr., St Vincent MPC General Manager Jenebeth Conanan at BOD Member Mr. Martin Lasaga. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments