PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 30 (PIA) -- Pinaplano ngayon ng pamahalaang panglungsod ng Puerto Princesa na magtayo ng dormitory na magsisilbing quarantine facility ng mga uuwing locally stranded individual (LSI), returning overseas Filipino workers (ROF), at authorized person outside residence (APOR) na mga residente ng lungsod.
Ito ang inihayag kamakailan ni Mayor Lucilo Bayron sa kauna-unahang flag raising ceremony sa gusaling panlungsod mula nang ipatupad ang mataas na antas ng community quarantine dahil sa pandemya at ipagbawal ang mga pagtitipon.
Aniya, sa pamamagitan nito, mababawasan ang malaking ginagastos ng lokal na pamahalaan partikular na sa mga ibinabayad sa mga hotel na nagsisilbing quarantine facility sa ngayon.
“Malaki na talaga ang nagagastos natin, siguro mas magandang tingnan na natin, sa ating mga kasamahan sa Sangguniang Panlungsod, ating Budget Office, City Engineering, kailangan magpagawa na tayo ng mga dorm sa ating sports complex,” ani Bayron.
Sinabi niya na nag-aalok ang pamahalaang nasyunal sa lokal na pamahalaan ng subsidiya sa pautang sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP), at ito ang pondo na planong gamitin sa pagpapatayo ng mga dormitoryo.
Sakali aniya na magtagal pa ang pandemya ay may magagamit nang pasilidad para sa pagku-quarantine ng mga nag positibo sa coronavirus 2019 (COVID-19), at mga uuwi sa lungsdod mula sa ibang probinsya.
“Dalawang porsiyento lang ang interest na inaalok sa atin, sayang din kung hindi natin pakikinabangan, baka pwedeng magpatayo na tayo ng dorm na para sa mga athlete, pero pansamantala, gamitin natin para sa ating mga LSI at ROF”, ayon sa punong lungsod. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments