Tagalog News: DOST, RSU nagsagawa ng Research & Dev't Conference

Naging matagumpay ang ginanap na Research and Development Conference sa bayna ng Odiongan kamakailan na inorganisa ng Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng Romblon State University. (Larawan mula sa DOST-Romblon)

ODIONGAN, Romblon, Setyembre 13 (PIA) -- Ginanap ang Research and Development Conference sa bayan ng Odiongan, na inorganisa ng Department of Science and Technology, sa pakikipagtulungan ng Romblon State University noong ika-7 ng Setyembre.

Dinaluhan ng aabot sa 62 katao ang tinawag nilang 'blended conference' dahil 16 sa mga kalahok ay dumalo sa pamamagitan ng video conference, isa umanong paraan para mas maipatupad ang social distancing sa naturang pagtitipon. Ang mga dumalo ay mula sa mga sektor ng akademya, industriya, negosyo, locaL government units (LGUs)/national government agencies (NGAs), at mga mamahayag.

Naging tampok sa nasabing kumperensya ang pagbabahagi ng Romblon State University sa iba't ibang ideya, proyekto at teknolohiya na binuo ng kanilang mga propesor at mga estudyante kabilang na ang ilang produkto  na mula sa mga kawayan. Isa sa mga proyekto ng RSU na gawa sa kawayan ay ang ipinagmamalaki ng College of Engineering and Technology (CET) na Laminated Table Tops.

Ayon kay Dr. Bilshan Servanes, dating Dean CET, ang Bamboo Laminated Table Tops ay makakatulong sa mga paaralan o di kaya ay sa mga opisina na naghahanap ng mga magagandang klaseng lamesa na gawang lokal.

Aniya, ang ilan sa mga table tops na kanilang ginawa ay ginagamit na ngayon ng mga Engineering students ng pamantasan bilang drawing table kapag gumagawa ng mga plano.

Samantala, maliban sa mga ibinahaging ideya at proyekto ng RSU, nagbahagi rin ng mga programa at proyekto ang DOST na makakatulong sa mga dumalong bisita mula naman sa sektor ng pagnenegosyo.

Tinalakay rin sa nasabing kumperensya ang antas ng Research and Development sa probinsya at kung ano pa ang kailangan lalo na ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa.

Sa mensahe ni Dr. Ma. Josefina Abilay, Regional Director ng DOST-Mimaropa, sinabi nito na ang DOST ay handang pakinggan ang lahat ng pangangailangan ng lahat ng sektor para makapagbigay ng teknolohiya na higit na makakatulong sa kanila. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments