Tagalog News: Higit 100 upland rice farmers sa Pigcawayan, Cotabato sumailalim sa upland rice orientation

Photo: LGU Pigcawayan

 

PIGCAWAYAN, Lalawigan ng Cotabato, Set. 7 (PIA)--- Abot sa higit 100 upland rice farmers dito sa bayan ang sumailalim kamakailan sa dalawang araw na oryentasyon sa upland rice.

Ang mga partisipanteng magsasaka ay nagmula sa mga barangay ng Kimarayag, New Panay, Malagakit, Molok, Payong-Payong, New Igbaras, at Midpapan.

Layon ng aktibidad na mabigyan ng dagdag na kaalaman ang mga magsasaka hinggil sa upland rice farming. Nanguna naman sa nasabing oryentasyon ang Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) kasama ang Department of Agriculture-Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD).

Maliban sa dagdag kaalaman, una nang nabigyan ng farm inputs ang mga benepisyaryong magsasaka. Base sa datos ng SAAD, bawat benepisyaryo ay nabigyan ng tig-dalawang bags ng upland palay seeds, dalawang bags ng urea fertilizer, dalawang bags ng complete fertilizer, tatlong packs ng vegetable seeds, garden tools, at isang alagang kambing.

Kaugnay nito, nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Mayor Jean Dino Roquero sa DA sa patuloy na pagpapatupad ng mga proyektong pang-agrikultura sa bayan. Siniguro naman ng opisyal na patuloy na susuporta at tutulong ang lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng OMAg, upang lalong maisulong ang food security.

Panawagan naman ng alkalde sa mga upland rice farmer, pahalagahan ang tulong na ipinagkaloob sa kanila.  (With reports from LGU-Pigcawayan)

Photo: LGU Pigcawayan

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments