Tagalog News: Paglalagay ng CCTV cameras, checkpoints sa mga high risk area sa Midsayap, Cotabato isinusulong

MIDSAYAP, Lalawigan ng Cotabato, Set. 7 (PIA)--- Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan dito sa munisipalidad ang pagkakaroon ng mga closed-circuit television camera at checkpoint sa mga high risk na bahagi ng Midsayap.

Ito ay bilang paraan upang malabanan ang banta ng kaguluhan sa bayan.

Sa isinagawang SB session kamakailan, ipinasa ang Resolution No. 2020-159 na inakda ni Councilor James Llaban, Jr. Nakasaad dito ang paghiling kay Midsayap Mayor Romeo Arańa kasama ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection sa bayan na malagyan ng mga CCTV camera ang Crossing Poblacion 7 at Bual Sur, maging ang Crossing Agriculture at Central Glad.

Samantala, sa pamamagitan naman ng Resolution No. 2020-160 na inakda ni Konsehal Maria Belen Sabio, inirekomenda ng konseho na hilingin sa Midsayap Peace and Order Council (MPOC) na maglagay ng checkpoints sa Crossing Bual, Central Glad, boundary ng Central Glad at Agriculture, Lower Glad, at Agriculture.

Ayon kay Midsayap vice-mayor Manuel Rabara, ang ipinasang legislative actions ay bahagi ng pagsisikap ng Sangguniang Bayan na makagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa sa bayan. (With reports from BautistaR-SB Midsayap)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments