Bagong quarantine, treatment facilities, binuksan sa Marikina

LUNGSOD PASIG, Okt. 31 (PIA) – Pinasinayaan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro kahapon (Okt. 30) ang pagbubukas ng quarantine at treatment facility sa Balubad, Nangka na itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga taga lungsod na magpopositibo sa COVID-19. 

File photo. 

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang naturang pasilidad ay mayroong 136 kwarto para sa mga pasyente na compliant sa Department of Health (DOH) standards para sa health facilities.

Kumpleto rin ang pasilidad ng bawat kwarto (sariling CR, kama, mesa, ilaw at tubig) kaya komportableng pansamantalang tuluyan habang nagpapagaling.

Gayundin, mayroon itong X-ray room, laboratoryo at electrical room at may 10 kwarto naman ay itinalaga para sa healthcare provider at frontline workers.

Sinisiguro rin ng pamahalaang lungsod na ang bawat COVID-19 quarantine at treatment facility sa Marikina ay pinamamahalaan alinsunod sa mataas na pamantayan at protocols upang masigurong ligtas ang bawat pasyente, frontliner at maging ang nakapaligid na komunidad.

Nais ni Mayor Marcy Teodoro na ang bawat taga lungsod ay magkaroon ng kapanatagan ng kalooban na ang pamahalaan ay palaging narito, nakabantay at nakaalalay para sa kaligtasan ng mamamayan. (Marikina PIO/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments