DILG, DOH sinimulan ang pagsasanay sa 46 libong BHERTs sa buong bansa

LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 26 (PIA) -- Bilang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga barangay bilang mga frontliner laban sa COVID-19, sinimulan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Health (DOH) ang pagsasanay sa 46,621 Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa buong bansa upang matiyak ang epektibong pagtugon sa pandemya sa mga pamayanan.

“Ngayon pong pababa na ang mga kaso sa ating bansa, ang tanging paraan upang mapanatili ang pagbaba ay tiyaking maayos ang paglilingkod ng ating mga BHERT. Sila ang ating first line of defense,” winika ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa paglulunsad ng BHERT FRIENDS sa Camp Aguinaldo kamakailan.

Binigyang-diin ni Año ang kahalagahan ng pagpapahusay sa mga kakayahan at kapasidad ng mahigit sa 46,000 BHERTs sa buong bansa upang matiyak na kaya nilang protektahan at tugunan ang mga pangangailangan ng mga pamayanan sa gitna na pandemya.

“Nakasalalay po sa BHERTs ang tuluyang pagsugpo sa COVID-19. Sila ang ating first line of defense at response. Sa kanilang maagap at epektibong pagkilos, hindi kakalat ang virus sa buong komunidad hanggang sa maging zero case na tayo,” anang kalihim.

Ayon kay Año, ang BHERTs ay inatasang magsagawa ng health promotion at education sa barangay, ipatupad ang minimum health standards, magsagawa ng contact tracing sa bawa’t bahay, at bantayan ang mga kaso ng COVID-19 na naka-home quarantine araw-araw.

Sa bisa ng DILG Memorandum Circular 2020-023, inatasan ang mga local government units (LGU) ay na bumuo ng isang BHERT sa bawa’t 5,000 populasyon at pakilusin sila upang tumulong sa prevention at mitigation, preparedness at response sa COVID-19.

Ang bawa’t BHERT ay binubuo ng isang executive officer, isang barangay tanod, at dalawang barangay health worker—isa sa dalawa ay dapat isang nurse o komadrona—at dapat silang nakasuot ng personal protective equipment tulad ng surgical gown, goggles, mask at gloves.

BHERT-FRIENDS

Inilunsad ng DILG at DOH ang “Barangay Health Emergency Response Team is our First Responders In Ending N-COV Diseases” (BHERT-FRIENDS) Project, na naglalayong pahusayin ang kaalaman at kakayahan ng mga BHERT sa pagtupad ng kanilang mandato at palakasin ang kanilang kapasidad sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sa ilalim ng proyektong ito, kami ay nakatitiyak na ang ating 46,621 BHERTS na binuo sa buong bansa ay sasailalim sa retooling, retraining, o refresher course upang madagdagan ang kanilang skills sa pagtugon sa COVID-19 sa kanilang mga pamayanan,” pahayag ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Ayon kay Malaya, sa tulong ng Local Government Academy, maglulunsad ang BHERTS-FRIENDS project ng isang serye ng online workshops at training upang maturuan ang mga BHERT ng stratehiya sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin at matulungan din silang lumikha ng kanilang mga materyales.

Katuwang ng Alliance for Improving Health Outcomes at ng Asia Foundation, mabibigyan din ang mga frontliner ng praktikal na impormasyon sa pamamagitan ng BHERTS Pocket Guide na ipapamahagi sa lahat ng mga team.

Ang guide na nasa wikang Pilipino ay nagtataglay ng mahahalagang impormasyon tulad ng mga papel ng BHERT at mga tanda at sintomas ng COVID-19. Maliban dito, may mga community-level action points din upang magabayan sila kung kalian dapat magpadala sa ospital, kung paano magsagawa ng case investigation, contact tracing at case monitoring, at mga tips para sa reintegration at reducing stigma.

Subali’t hinikayat ng DILG Spokesperson ang lahat na huwag umasa lamang sa mga BHERT kundi tulungan ang bansa sa pamamagitan ng disiplina sa pagsunod sa mga minimum health standards.

“Huwag po tayong nakafocus lamang sa ating mga BHERTs, gawin din po natin ang ating tungkulin bilang mamamayan ng ating bansa,” aniya.

“Tandaan natin ang acronym ng DOH-DILG program “BIDA ang May Displina, Solusyon sa COVID-19.” B - Bawal walang mask, I - Isanitize ang mga kamay, D - Dumistansiya ng isang metro, A - Alamin ang totoong impormasyon,” aniya. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments