Handwashing facilities, pinasinayaan sa Marikina

LUNGSOD PASIG, Okt. 30 (PIA) -- Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro nitong Huwebes ang pagtanggap at pagpapasinaya sa handwashing facilities sa Marikina Sports Center. 

PIA file photo

Ang pagpapasinaya ng handwashing facilities sa lungsod ay isinagawa sa pamamagitan ng programa ng Manila Water Company Inc. at Manila Water Foundation na WASH in Pandemic for Communities.

Katuwang ang Department of Health (DOH) at Procter & Gamble, hinihikayat ng proyekto ang mga taga lungsod na gawin ang palagiang paghuhugas ng kamay na itinuturing na mabisang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Marcy, napa-flatten na ang curve sa Marikina subalit plano pa rin ng alkalde na maglagay ng karagdagang handwashing facilities sa mga piling lugar upang magamit ng higit na nakararaming mamamayan at tuluyang masugpo ang virus.

Dumalo rin sa pagtitipon si Dr. Beverly Lorraine Ho, direktor ng Health Promotion Bureau ng Department of Health (DOH), at mga opisyal ng Manila Water.

Samantala, naghandog din ng face shield at face mask ang Armscor Global Defense Inc. para kay Mayor Marcy at sa mga frontliners na buong tapang na humaharap sa banta ng COVID-19 sa pang-araw araw na paglilingkod sa mga taga Marikina. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments