
LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 24 (PIA) -- Nilagdaan ni Makati Mayor Abby Binay nitong Lunes ang isang memorandum of agreement (MOA) na naglalaan ng P3.28 milyong pondo para sa pagpapatupad ng Teach for the Philippines (TFP) Program para sa tatlong napiling public elementary schools.
Sa ilalim ng kasunduan kasama ang Department of Education, Makati City Schools Division (DepEd Makati) at TFP, Inc., ipapatupad ang programa sa dalawang magkasunod na school years – 2020 to 2021 at 2021 to 2022.
Anim na college graduates ang napili ng TFP upang maglingkod bilang Fellows sa partner schools sa Makati. Sasagutin ng lungsod ang allowance at gastusin sa training ng mga teacher fellow sa dalawang school years, kasama ang summer period sa pagitan nila.
Ang TFP naman ang magbibigay ng iba’t ibang kagamitan tulad ng sample lesson plans, assessments, grade tracking systems at instructional materials sa kanila. Aktibong makikipagtulungan ang DepEd Makati sa TFP upang sila ay makabuo ng interactive classroom na huhubog ng kritikal at analitikong pag-iisip.
Kasama rin sa isinagawang virtual signing ceremony sina Superintendent Carleen Sedilla ng DepEd Makati, TFP Chief Executive Officer Clarissa Isabelle Delgado, TFP chair Elizabeth Zobel de Ayala, Rita Riddle, city Education Affairs Director, at Margarita Delgado, Vice Chair ng TFP.
Layon ng fellowship program na magbigay ng training para sa mga guro at non-education majors upang sila ay maging “successful and transformational teachers”. Mayroon din itong research and development component na magsusulong ng science-based policies para sa edukasyon.
Dalawang teacher fellows ang itinalaga sa bawat paaralan, ayon sa sumusunod: La Paz Elementary School, Mark Mailom at Don Neri; Maximo Estrella Elementary School, Kate Gaetos at Meo Nacar; at Nemesio I. Yabut Elementary School, Aya Datuin at Fran de Guzman.
Si Mailom ay may bachelor’s degree in Journalism mula sa University of Santo Tomas habang si Neri ay graduate ng University of the Philippines (UP), Los Baños na may Bachelor of Science in Natural Science major in Entomology.
Si Gaetos ay B.S. Education major in Social Studies graduate ng UP Diliman habang si Nacar ay may bachelor’s degree in General Education mula sa Oriental Mindoro State University.
Si Datuin ay graduate ng University of Caloocan na may bachelor’s degree in Education major in Science habang si de Guzman ay may Bachelor of Fine Arts degree major in Information Design mula sa Ateneo de Manila.
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments