Pagrepaso sa kawastuhan ng learning materials dapat paigtingin--Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 28 (PIA) -- Hinimok ni Senator Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagrepaso sa kalidad ng learning materials na ginagamit para sa distance learning.

Ani Gatchalian, ito ay upang matiyak na natuturuan nang wasto ang mga mag-aaral ngayong tuloy-tuloy na ang mga klase sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Mula Oktubre 12-20 kasi, may 41 mga pagkakamaling naiulat sa proyektong Error Watch ng DepEd. Habang nasa 27 rito ay local modules na ayon sa kagawaran ay hindi nito nasuri.

Ayon sa DepEd, naiwasto na ang ilan sa mga pagkakamaling ito. Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang DepEd sa mga volunteers at mga katuwang sa sektor ng akademya upang matiyak ang kawastuhan ng mga aralin.

May ilang beses na ring pinuna ang DepEd dahil sa mga pagkakamaling nakikita sa mga learning materials nito. Matatandaang may ilang episodes ng DepEd TV ang nag-viral dahil sa mga nakitang pagkakamali sa mga ito.

Bagama’t ang proyektong Error Watch ay makatutulong sa pagwasto sa mga aralin, binigyang diin ni Gatchalian na dapat naiwasto na ang mga aralin bago ipamahagi sa mga mag-aaral at makaiwas sa kalituhan.

Dagdag ng mambabatas, dapat ding paigtingin ang pakikipag-ugnayan ng mga eksperto sa mga lokal na tanggapan ng DepEd, lalo na’t karamihan sa mga naitalang pagkakamali ay mula sa mga ginawa ng mga field units nito.

“Sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya ng COVID-19, hindi lamang ang paraan ng pagtuturo ang dapat nating tutukan. Kailangang siguruhin din natin na tama ang mga araling itinuturo natin sa ating mga kabataan. Sa pagsuri natin sa bawat aralin, ang kaalaman ng mahigit 22 milyong mag-aaral ang nakasalalay,” ani Gatchalian.

Ayon pa kay Gatchalian ang pagkakaroon ng dekalidad na learning materials ay dapat maging bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya. Isinulong din ni Gatchalian ang pangangailangan sa mga dekalidad na learning materials matapos lumabas ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment. Lumabas kasi sa naturang pag-aaral na sa halos walumpung bansa (79), ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading Comprehension at pangalawang pinakamababang marka sa Science at Mathematics.

Pinaliwanag din ng senador na ang kanyang panukalang magdagdag ng mga center for excellence para sa teacher education ay makatutulong sa paglikha ng mga dekalidad na learning materials. Ayon kasi sa Republic Act No. 7784 na layong i-angat ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa at bumuo sa Teacher Education Council, isa sa mga tungkulin ng mga center of excellence ay magsilbing sanggunian sa paglikha ng iba’t ibang materials para sa pagtuturo.

Sa halos isang isang libo at anim na raang (1,572) mga Teacher Educaation Institutions (TEIs), wala pang walumpu (74) ang maituturing na mga center of excellence o development. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments