PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 15 (PIA) -- Pinalawig ng Pamahalaang Lokal ng Cuyo ang mahigpit na pagpapatupad ng ‘community quarantine’ sa ilang lugar sa nasabing bayan.
Ang pagpapalawig ng community quarantine at zoning ay sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 105 na nilagdaan ni Mayor Mark L. Delos Reyes noong Oktubre 9, 2020. Bunsod ito ng patuloy na pagdami ng local transmission ng COVID-19 sa nasabing munisipyo.
Ayon sa nasabing EO, magsisimula ng Oktubre 14 at magtatapos sa Oktubre 27, 2020 ang pinalawig na community quarantine kung saan apat na mga barangay nito ang isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) o mga barangay na nasa critical zones, anim naman na barangay ang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), isang barangay ang nasa General Community Quarantine (GCQ) o buffer zone at nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lahat ng mga islang barangay nito.
Ang mga barangay na nasa ilalim ng ECQ ay ang Cabigsing, Bancal, Tenga-Tenga, San Carlos. Nasa MECQ naman ang mga barangay ng Lagaoriao, Suba, Pawa, Catadman, Lungsod, Tucadan. Samantala, ang Barangay Maringian naman ang nag-iisang barangay na isinailalim sa GCQ.
Nanawagan naman si Mayor Delos Reyes sa mga mamamayan nito na intindihing mabuti at sundin ang mga minimum health standard protocol na ipinatutupad ng COVID-19 Municipal Inter Agency Task Force (MIATF) tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, ang pag-obserba sa social distancing at ang pagsunod sa curfew hour.
Sa panahon ding nabanggit ay nagtalaga ang pamahalaang bayan ng mga check-point sa bawat barangay upang mahigpit na ma-monitor ang mga lalabas at papasok.
Pansamantala ring itinigil ang pagtanggap ng mga Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning Overseas Filipinos (ROF). Pinapayagan namang makapasok ang mga Authorized Persons Outside Resident (APOR) at mga frontliner ngunit kinakailangan dumaan ang mga ito sa Rapid Diagnostic Testing (RDT) at sumailalim sa pitong araw na quarantine bago payagang makabalik sa kanilang trabaho.
Pinapayagan naman ang biyahe ng mga barko upang hindi maantala ang paghahatid ng cargo, essential goods at serbisyo sa nasabing bayan.
Ayon sa Sitrep Bulletin No. 100 ng Palawan emergency Operation Center (EOC) na inilabas kahapon, Oktubre 14, ang Cuyo ay mayroon nang naitatalang 97 kaso ng nagpositibo sa COVID 19 kung saan 64 dito ang aktibo at 33 naman ang gumaling na. (OCJ/PIA-Mimaropa)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments