LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Oktubre 14 (PIA)--Idinaos kamakailan ang 'groundbreaking ceremony' bilang hudyat ng pagsisimula ng pagpapatayo ng mga bagong munisipyo ng mga bayan ng Macalelon at Gen. Luna na dinaluhan ni Bondoc Peninsula Rep. Aleta Suarez at DPWH Quezon 3rd District Engineer Carolina Pastrana.
Ayon sa Quezon Public Information Office (PIO), ang pagpapatayo ng bagong munisipyo ng nabanggit na dalawang bayan sa Lalawigan ng Quezon ay inisyatibo ni Bondoc Peninsula Rep. Aleta Suarez at sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan.
Tinatayang umaabot sa P110M ang kabuuang pondo na inilaan para sa pagpapagawa ng dalawang municipal building na inaasahang matatapos sa susunod na taon.
"May inisyal na P60M na pondo na ang ini-release habang isusunod na ang natitira pang P50M," ayon pa sa Quezon PIO.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Mayor Nelson Traje ng Macalelon at Mayor Matt Florido ng General Luna sa proyektong ito ni Bondoc Peninsula Rep. Aleta Suarez.
"Maisasakatuparan na rin ang matagal ko nang pangarap na magkaroon ng bagong gusali dito sa aming bayan ng Macalelon," sabi pa ni Mayor Traje.
Ang dalawang ektaryang lupang pagtitirikan ng bagong munisipyo ng Macalelon ay donasyon ni Mayor Nelson Traje na nasa huling termino na ng kanyang panunungkulan bilang alkalde.
Mapalad naman si Mayor Florido sapagkat sa unang termino niya bilang alkalde ng General Luna ay magkakaroon na agad ng bagong munisipyo.
Ang bagong lokasyon ng dalawang bagong munisipyo ay magsisilbing sentro ng kalakalan at government one-stop-shop.
Maliban sa pagpapatayo ng dalawang bagong munisipyo, magpapagawa rin ng covered courts sa mga Barangay ng Nieva, Bacong Ilaya, San Isidro Ilaya at San Jose sa General Luna na may nakalaang P5M pondo bawat isa mula sa pondo ni Rep. Suarez. (Ruel Orinday/ PIA-Quezon)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments