Tagalog News: Panawagan ng pamilya ng mga bilanggo laban sa pagkalat ng COVID-19 sa preso, sinagot ng Malacanang 

Sinagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang panawagan ng grupo ng mga pamilya ng political prisoners kamakailan na magkaroon ng diyalogo sa mga otoridad ukol sa pagpapatupad ng hakbang laban sa COVID-19 sa loob ng detention facilities. (Photo from file)

LUNGSOD NG QUEZON, Oktubre 2 (PIA) – Sinagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang panawagan ng grupo ng mga pamilya ng political prisoners kamakailan na magkaroon ng diyalogo sa mga otoridad ukol sa pagpapatupad ng hakbang laban sa COVID-19 sa loob ng detention facilities.

Sa  press briefing na ginanap sa Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa Mariveles, Bataan, sinabi ng Kalihim na inaaksyunan ng gobyerno ang kondisyon ng lahat ng detention facilities hindi lamang para sa mga political prisoners.

“Kinakailangan po alinsunod sa ating Saligang batas ang equal protection clause. Lahat sila na similarly situated [kaya] pare-pareho po ang ating pag-trato sa kanila,” ani Roque.

Ipinaliwanag ng Kalihim na dalawang ahensya ng gobyerno ang nangangalaga sa kapakanan ng mga nasa bilangguan. Ang mga sintensyado sa Muntinlupa at Women’s Correctional ay nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ) samantalang ang mga local jails ay nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Pareho po ang programang isinusulong [ng dalawa]. Yung mga sintensyado pinabibilis ang probation at parole; ang mga kasong minor offenses ay kung pupwedeng ma-dismiss na at ma-decongest ang ating mga lokal na kulungan,” paglilinaw ni Roque.

Upang maibsan ang siksikang kondisyon sa mga bilangguan at mapairal ang physical distancing, sinabi ni Roque na ginagawa ng DOJ at DILG ang lahat upang mapalaya na ang mga kwalipikadong bilanggo tulad ng mga maysakit, matatanda na ang edad ay 65pataas na nakapagsilbi ng kanilang sentensya ng hindi bababa sa limang taon at kung ang kanilang paglalagi sa bilangguan ay delikado sa kanilang kalusugan.

Sa gitna nito, iginiit ni Secretary Roque na tuloy pa din ang pagpapakulong sa mga quarantine violators alinsunod sa batas at pinayuhan niya ang mga political offenders na itigil ang paglaban sa gobyerno upang mabawasan ang political arrests.

Pag-aaralan naman ng mga otoridad ang electronic dalaw upang makausap ng mga bilango ang kanilang pamilya gamit ang online platform. (MTQ/PIA-IDPD



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments