Isulong ang renewable energy sa gitna ng pandemya --Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 7 (PIA) -- Hinimok ni Senator Win Gatchalian ang gobyerno na samantahalin ang potensyal ng renewable energy sa bansa habang patuloy na bumababa ang  paggamit ng coal mula nang magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19.

“Ito na ang tamang pagkakataon para itaguyod ang paggamit ng renewable energy dahil napatunayan natin sa mga nakaraang buwan na dumami ang mga gumagamit ng solar, geothermal, at biomass,” ayon sa Chairman ng Senate Energy Committee.

Suportado ni Gatchalian ang hakbang ng Department of Energy (DOE) na magpataw ng moratorium sa coal at binigyang diin niya ang kahalagahan ng mga regulasyon para dito.

Bumaba ang paggamit ng enerhiya mula sa uling magmula noong ipatupad ang lockdown sa bansa kasunod ng huminang paggamit ng langis bunsod ng epekto ng COVID-19.

Batay sa pag-aaral ng S&P Global, isang market research provider, dumadami na ang bilang ng mga kumpanya ng langis na lumilipat na o dumadaan sa tinatawag na ‘energy transition’ at gumagamit na ng renewable energy dahil sa isyu ng climate change. Lalaki pa ang kapasidad nito ng 50 porsiyento mula 2019 hanggang 2024 ayon sa International Energy Agency (IEA).  

Kinalampag ni Gatchalian ang mga tanggapan ng goyerno na puksain ang red tape upang mapabilis ang pagsasakatuparan ng pagtangkilik sa renewable energy at makahikayat pa ng mas maraming mamumuhunan sa renewable energy projects sa bansa. Aniya, may mga sapat nang mekanismo na magpapabilis sa proseso sa mga gustong mamuhunan dito.

Ayon sa mga opisyal ng DOE, umabot na sa 1,038 ang bilang ng renewable energy projects na aprubado na at may kapasidad na 31,886 megawatts (MW).

“Halos buong mundo ay lumilipat na sa renewable energy at kailangan nating makipagsabayan para na rin sa mga makabagong teknolohiya,” ani Gatchalian. 

Binigay halimbawa niya ang pagsusulong sa tinatawag na sustainable transportation tulad ng electric vehicles (EVs).

Si Gatchalian ang pangunahing may akda ng Senate Bill 1382 o ang panukalang Electric Vehicles and Charging Stations Act na naglalayong maglagay ng charging stations sa lahat ng parking lots sa mga pampubliko at pribadong gusali at istraktura kabilang na ang mga gasolinahan. 

“Napapanahon na para paigtingin natin ang kampaya para sa mga pagbabagong ito nang sa gayon ay makapanghikayat pa ng mas maraming mamumuhunan at higit sa lahat makatulong sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya,” ani Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments