LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 29 (PIA) -- Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa mga kapwa senador na talakayin na ang nakabinbing panukala na nagbabawal sa paglalagay ng validity period sa mga prepaid load credits ng mga cellphone at internet services.
“Sa ganitong panahon na may coronavirus pandemic, ang masakit na katotohanan ay nakaasa tayo sa information and communication technologies (ICT) sa araw-araw nating pamumuhay. At para sa mga hindi nakakaluwag sa buhay, mahalaga ang bawat piso sa kanilang gastusin,” ani Gatchalian.
“Ang mawalan ng mga natitirang load sa kanilang prepaid credits dahil inabutan na ng expiration ay hindi katanggap-tanggap sa kasalukuyang sitwasyon,” dagdag pa ni Gatchalian.
Ang ganitong sistema aniya ay hindi dapat pinapayagan sapagkat bayad na nang buo ang mga load credits at serbisyong iniaalok sa mga subscribers, samakatuwid ay may karapatan silang makunsumo ito.
“Ang pagbawalan silang makunsumo nang buo ang load dahil sa expiration period ay hindi makatuwiran at anti-consumer. Hindi ito tulad ng ibang mga bilihin na kinakain natin o may bisa katulad ng mga gamot. Ang ganitong bilihin ay nakadepende sa dalas ng paggamit ng mga subscribers at nararapat lamang na nasa kanila ang desisyon kung susulitin nila ang kanilang mga load credits,” paliwanag ng senador.
Ayon sa Vice Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, napapanahon na para repasuhin ang ganitong pamamalakad ng mga public telecommunications entities (PTEs) at ICT providers.
Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 365 o ang Prepaid Load Forever Act, pinagbabawalan ang lahat ng PTEs at ICT providers na maglagay ng expiration date sa mga prepaid load credits anuman ang halaga nito.
Sakop ng panukalang batas ang prepaid cards at electronic loads sa mga serbisyong may short messaging system (SMS) o text messaging, mobile data, value added services (VAS) at mga gadgets kung saan maaring magamit ang internet katulad ng mga tablets, Wi-Fi dongles or mobile hotspots.
“Sa panahon ngayon na iginagapang ng karamihan ang arawang gastusin at ginagawa na ang lahat ng paraan ng pagtitipid, nararapat lamang na tulungan natin silang mapagaan ang kanilang mga pasanin,” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng panukalang batas ng senador, sinuman ang lumabag dito ay may karampatang parusang multa mula P100,000 hanggang P2 milyon at pagkakakulong na dalawa hanggang anim na taon, bukod pa sa agarang pagbawi ng business license.
Sa kasalukuyan, ang prepaid load credit na may halagang P300 ay may one-year validity habang ang mga may mas mataas na halaga ay mas mahaba ang palugit.
“Sa panahong napakahalaga ng social distancing sa ilalim ng new normal, nakadepende tayo sa mga telecommunication at ICT services. Kaya para sa mga ordinaryong tao, malaking kawalan ang mapagkaitan ng load credits lalo na kung pinaghirapan nila ang pinambili dito. Nararapat lamang na masulit nila ang pinambayad nila sa mga ganitong serbisyo,” ani Gatchalian. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments