TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nobyembre 28 (PIA) - - - Maaga palang kanina ay inilikas na ng mga lokal na opisyal ng Annafunan East dito sa lungsod ang mga residente na nakatira sa Core Shelter dahil pinasok na ng baha ang karamihan sa mga bahay doon.
Ani Gerald Valdez, SK chairperson ng barangay, agad namang tumugon ang mga residente sa panawagan ng BLGU na lumikas na dahil tumataas na naman ang tubig baha bunsod na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan sa nakaraang araw.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 41 na pamilya o 172 na indibidwal ang namamalagi sa nakatakdang evacuation center sa nasabing barangay partikular sa Annafunan Integrated School.
Dagdag ni Valdez na nagpatulong na rin sila sa City Disaster Risk Reduction and Management Office sa paglilikas sa mga apektadong residente.
Matatandaan na isa ang barangay Annafunan East sa malubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa mga nagdaang linggo dahil na rin sa pagbuhos ng malakas na ulan.
Samantala, may apat na rin na pamilya o 14 na katao ang lumikas at kasalukuyang nasa barangay hall ng Centro 1 dito sa lungsod.
Ipinapaalam naman ng lokal na pamahalaan ang mga kapitan sa lungsod na tumawag kay Myrna Te, pinuno ng City Social Welfare and Development Office para sa koordinasyon sa evacuation. (MDCT/PIA-2)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments