Tagalog News: DTI-OrMin, nag-inspeksiyon sa mga pamilihan sa Puerto Galera

Sabay nag-inspeksiyon sina Krizzel Mendoza (gitna) ng DTI-Negosyo Center Puerto Galera at ang Market Inspector na si John Manalo sa mga pamilihan upang masiguro kung tama ang mga presyo ng produkto at sapat na suplay para sa mamimili. (kuha ng Negosyo Center Puerto Galera)

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Nob. 8 (PIA) -- Matapos ang dumaang dalawang malalakas na bagyo sa lalawigan, agad nagsagawa ng inspeksiyon ang Department of Trade and Industry (DTI)–Oriental Mindoro sa mga pamilihan sa bayang ito kamakailan.

Magkasamang nag-inspeksiyon ang kinatawan ng DTI-Negosyo Center Puerto Galera na si Krizzel Mendoza at Market Inspector John Manalo sa mga grocery, hardware at pamilihang bayan upang malaman kung may mga suplay pa ng mga pangunahing bilihin pati ang mga presyo nito.

Ayon kay Mendoza, “Aming napagalaman na sapat pa ang supply ng mga pangunahing bilihin tulad ng instant noodles, kape, toyo, suka, mga sabon at iba’t-ibang uri ng mga delata ngunit limitado naman ang supply ng mga kandila.”

Bukod dito, sapat din ang supply ng mga materyales pang konstruksiyon sa mga hardware sa buong bayan.

Samantala, ang presyo aniya ng mga gulay ay bahagyang tumaas dahil mataas na ang pag-angkat ng mga nagdadala sa kanila gayundin ang presyo ng karne. Limitado din ang suplay ng mga isda dahil naapektuhan ang mga mangingisda ngayong nagdaang mga bagyo.

Inoobserbahan din nina Mendoza at Manalo kung ipinatutupad din sa mga tindahan ang pagpapanatili ng social distancing at pagsusuot ng face mask ng mga mamimili.

Magpapatuloy din aniya ang pagiikot ng ahensiya sa mga tindahan at pamilihan upang masiguro na ang mga itinitinda sa bayang ito ay tama. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments