
Pola Mayor Jennifer M. Cruz (pangalawa mula sa kaliwa) at Landbank-Pinamalayan Branch Head Ferdinand E. Abas (pangatlo mula sa kaliwa) nanguna sa ceremonial ribbon cutting sa inagurasyon ng ng unang ATM sa Munisipalidad ng Pola.(Larawan mula sa LGU Pola)
POLA, Oriental Mindoro, Nob. 13 (PIA) -- Nakarating na ang computerized banking sa bayang ito, matapos ilunsad kamakailan ang kauna-unahang automated teller machine (ATM) dito.
Ang Landbank of the Philippines (LBP) at ang Lokal na Pamahalaan ng Pola ay magkatuwang sa pagtaguyod ng nasabing proyekto na matatagpuan sa Pola Community College.
Pinangunahan ni Mayor Jennifer M. Cruz at LBP Pinamalayan Branch Head Ferdinand Abas ang espesyal na seremonya na sinimulan sa pagtaas ng watawat.
Sa kanyang mensahe, kinilala at pinasalamatan ng Punongbayan ang LBP, sa ngalan ng LGU Pola, para sa ambag ng bangko sa pagpapaunlad ng kanilang pamayanan.
Aniya, “ang dagdag na paglalagay ng ATM ay malaking pakinabang para sa aking mga kababayan, lalo na sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kinakailangan pang maglakbay sa ibang kalapit na bayan upang kumuha ng cash assistance dahil sa kawalan ng ATM sa aming bayan”.
Ang paglalagay ng ATM ay inisyatibo ng Landbank upang itaguyod ang malapit na serbisyo ng pagbabangko sa mga PolaeƱos at sa mga malalayong munisipalidad sa bansa.
Sa kasalukuyan, may 25 Landbank ATM’s na sa lalawigan na bumubuo sa tatlong sangay ng LBP sa Oriental Mindoro; kung saan ang LBP Calapan ay naglilingkod sa lungsod ng Calapan, mga bayan ng Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Naujan at Victoria; ang LBP Pinamalayan na sumasakop sa serbisyo sa mga Munisipalidad ng Pinamalayan, Pola, Bongabong, Bansud, Gloria, Socorro at Concepcion ng probinsya ng Romblon; at LBP Roxas na nagsisilbi sa mga bayan ng Roxas, Mansalay at Bulalacao.
Ang naturang bagong ATM na matatagpuan sa Pola Community College ay malaking katulungan sa mga kliyente nito sa bayan ng Pola at para na rin sa mga benepisyaryo ng gobyerno sa mga programa nito tulad ng 4Ps. (LC/PIAMimaropa/Calapan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments