Tagalog News: ‘Noche Buena Edition’ ng Diskwento Caravan, isinagawa sa Puerto Galera

Nagsagawa ang DTI ng Diskwento Caravan 'Noche Buena Edition' sa Puerto Galera Municipal Gym noong Nobyembre 26. Makikita sa larawan ang mga budget promos, buy 1 take 1 na electric fan at mga noche buena package hatid ng DTI-OrMin. Mahigpit din ipinatutupad ang health protocols. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Nob. 28 (PIA) -- Dahil sa nalalapit na kapaskuhan, inihatid ng Department of Trade and Industry (DTI)-Oriental Mindoro ang ikalawang yugto ng Diskwento Caravan ‘Noche Buena Edition,’ sa bayang ito na ginanap sa Municipal Gymnasium noong Nobyembre 26.

Ayon kay DTI Provincial Director (PD) Arnel Hutalla, “maagang pamaskong handog namin ang Diskwento Caravan ‘Noche Buena Editon’ na ang unang makikinabang dito ay itong bayan ng Puerto Galera sa pakikiisa ng Puregold Calapan at sa pakikipag-tulungan ni Mayor Rocky Ilagan at ng lokal na pamahalaan at ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsunod sa mga ipinatutupad na health protocols.”

Dagdag pa ni Hutalla, hindi lamang pang noche Buena ang mabibili kundi pati na rin ang ilang mga pangunahing bilihin tulad ng de-lata, gamit sa katawan at mga panglaba, toiletries at marami pang iba na may bawas presyo mula 10-50 porsiyento, gayundin ang mga electric fan na ‘buy 1 take 1’ at mga budget promo.

Magugunita na unang dumating ang Diskwento Caravan sa bayang ito noong Hulyo.

Samantala, nagpaalala din ang direktor ng lalawigan na sa bisa ng Proclamation No. 1051 na ipinatupad nitong Nobyembre 18, na idinedeklara ang buong Luzon na sumailalim ito sa State of Calamity dahil sa mga bagyong dumaan at mga pagbaha na naranasan kamakailan. Dahil dito, ang lahat anya ng mga manininda ng mga pangunahing bilihin ay otomatikong titigil ang paggalaw ng mga presyo sa loob ng 60 araw na ayon sa Section 6 ng Republic Act 7581 o ang Price Act.

Kabilang sa mga ito ang de-latang sardinas, gatas, kape, sabong panlaba, kandila, tinapay, asin, ligtas na inuming tubig at mga lalagyan nito at mga lokal na gawang noodles. Gayundin ang mga produktong sakop ng Department of Agriculture-Mimaropa tulad ng bigas, mantika, karne ng baboy at baka, itlog, gulay, asukal, prutas at mga pagkaing tumutubo sa lupa.

Habang ang mga uling at panggatong na sakop ng Department  of Environment and Natural Resources/Provincial Environment and Natural Resources (DENR-PENRO), kasama ang liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene ng Department of Energy (DOE) at mga pangunahing gamot sakop ng Department of Health (DOH) ay hindi rin pinapahintulutan ang pagtaas ng presyo ng mga ito. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments