LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Nob. 30 (PIA)-- Isinagawa noong Biyernes dito sa lungsod ang 4th Mindanao River Basin Management Council (MRBMC) Meeting upang talakayin ang problema sa pagbaha sa Mindanao.
Sa nasabing pagpupulong na dinaluhan ni MRMBMC Chairman Orlando Cardinal Quevedo, OMI kasama sina Mindanao Development Authority (MinDA) Chair Emmanuel Piñol at Governor Nancy Catamco, pinag-usapan ang mga pagbaha sa probinsya at karatig lalawigan na sanhi ng pagkasira ng mga pananim at ari-arian at nakaapekto sa mamamayan na nakatira sa low-lying areas.
Kaugnay nito, hinikayat ni Catamco ang mga Cotabateño na magtulungan sa pagresolba sa problema sa baha sa probinsya sa pamamagitan ng pangangalaga sa likas na yaman.
Binigyang-diin din nito na ang pagbaha ay epekto ng pagkasira ng kalikasan at ang lahat ay may papel na dapat gampanan sa paglutas ng naturang problema.
Isa sa mga ikinakampanya ng gobernadora ang pagtatanim ng kawayan sa mga landslide-prone areas ng lalawigan bilang flood control and mitigation measure.
Samantala, iprinisenta naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) XII ang ilan sa kanilang flood control projects sa buong rehiyon mula 2016 hanggang 2020. Nangako din ang ahensya na magsasagawa ng mas malalimang feasibility study upang matugunan ang problema sa pagbaha lalo na sa mga bayan ng Pikit at Kabacan.
Sa kabilang banda, inirekomenda ni Piñol ang pagtukoy sa sanhi ng problema upang makalatag ng komprehensibong plano para dito. Aniya, mahalagang magkaroon ng agarang short term, medium term, at long term interventions upang masolusyunan ang mga pagbaha. (With reports from PGO-IDCD/Provincial Government of Cotabato)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments