Baha sa Cagayan, mabagal ang paghupa

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Disyembre 21 (PIA) - - Bagamat bumababa na ang lebel ng tubig sa ilog Cagayan, mabagal ang paghupa nito kaya naman marami pa ring mga kabahayan ang nananatiling lubog sa tubig baha.

Sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa 113 ang bilang ng mga barangay na apektado ng pagbaha mula sa tig-labing dalawang bayan sa Isabela at Cagayan at dalawang bayan naman sa Quirino.

Umabot naman sa 6, 816 na pamilya na may 28, 959 na indibidwal ang nakaranas ng pagbaha.

Sa bilang na ito, 1, 223 na pamilya naman ang lumikas sa mga evacuation center, samantalang 355 na pamilya naman ang lumikas sa kanilang mga kapitbahay at kamag-anak na nasa mas ligtas na lugar.

Si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ay personal na naglibot sa kalunsuran upang alamin ang sitwasyon ng kaniyang mga kababayan.

 Tuluy-tuloy naman ang pamamahagi ng mga ayuda para sa mga apektadong pamilya lalo na ang mga nasa loob ng evacuation center.

Samantala, inihayag ng NIA-MARIIS na dalawang spillway gates na lamang ang nakabukas ngayon na may apat na metro ang taas, gayonman, pinayuhan pa rin ng mga opsiyal ang mga mamamyan na manatiling maging alerto dahil maaring may mga bumababa pang tubig mula sa iba’t-ibang mga tributaryo ng Cagayan River. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments