'Loopholes' sa ipinatupad na RFID system, nabunyag sa pagdinig sa Senado

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 21 (PIA) -- Nabunyag sa pagdinig sa Senado ang iba pang mga 'loopholes'  sa pagpapatupad ng cashless transaction sa mga toll ways, ayon kay Senator Win Gatchalian. Dahil dito, walang nagawa kundi umamin si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na nagkaroon ng "failure of leadership" at "failure of enforcement" ang mga regulatory officials na ngangasiwa sa mga expressways.

Sa pagdinig ng Senado sa issue ng radio frequency identification (RFID) scheme sa mga toll ways kamakailan lamang, napag-alaman ng mga senador na ipinatupad ang mandatory cashless toll collection kahit na walang malinaw na alintuntunin, walang nakalatag na kaparusahan sa mga hindi magpapatupad ng mandato, planong lugar para sa installation at reloading lanes at hindi nasiguro kung gumagana ang lahat ng RFID sensors.

Sumang-ayon din umano si Tugade sa kakulangan sa pangangasiwa ng pananagutan ng mga toll operators bunsod ng kawalan ng kaukulang kaparusahan at key performance indicators ng mga namumuno dito.

Ipinagdiinan din umano ni Tugade na pumalpak ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pamumuno ng executive director nito na si Abraham Sales sa gulong nangyayari kaugnay ng isyu ng RFID.

Samantala, si Tugade ang tumatayong chair ng board sa TRB.

Inamin umano ni Sales sa komite na napag-usapan lamang ang mga kapalpakan sa RFID system noong nagkaroon ng consultation meeting makaraang maglabas ang DOTr ng department order ukol sa pagpapatupad ng mandatory cashless transactions sa mga toll plazas. Inamin din umano niya na hanggang sa kasalukuyan ay inaasikaso pa rin ng mga toll operators ang mga palyadong RFID sensors.

Biniyang diin ni Gatchalian at ang chairperson ng Committee on Public Services na si Senator Grace Poe ang kawalan ng schedule of penalties sa ilalim ng kasunduang nilagdaan ng TRB at ng NLEX Corporation, ang operator ng 101-kilometrong North Luzon expressway (NLEx), ang nagsisilbing gateway ng Metro Manila sa mga karatig probinsya sa Northern Luzon. Nadiskubre din ng mga senador ang kawalan ng nakalatag na kaparusahan sa implementing rules and regulations (IRR) ng naturang department order ng DOTr o DO No. 2020-012, patakarang nag-uutos ng cashless transactions sa mga toll roads sa bansa simula noong December 1, 2020.

Napansin din ng mga senador ang kawalan ng performance standards na dapat maging basehan para mapanagot ang mga toll operators sa mga isyu katulad ng palyadong RFID kahit tatlong taon na ang nakalipas matapos lagdaan ng gobyerno at toll concessionaires ang memorandum of agreement (MOA) para sa toll interoperability at electronic toll collection na naging basehan sa pagpapalabas ng DO 2020-012.

“Bakit tayo umabot sa ganito? Kung may regulator na itinalaga, pinapasweldo, may opisina at may kapangyarihan sa kanyang charter, bakit umabot sa ganito? Inabgrabyado natin ang mga motorista. Sec. Tugade should crack the whip. The MOA is useless, it’s a mere toilet paper,” ani Gatchalian.

“Kaya tayo nandito. May problema po tayo dahil we cannot measure the performance of NLEX Corp. and kayo mismo, who is the regulator, should be measuring them. Kaya tayo pinaiikutan nitong mga concessionaire ay dahil alam nila na hindi sila binabantayan,” sabi ni Gatchalian na pinapatukuyan ang TRB.

Sa nasabing pagdinig, napag-alaman din ng mga senador na nagpatawag ng pagpupulong ang TRB board para talakayin ang mga problema sa RFID system noon lamang Dec. 9. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments