Reporma sa kalidad ng edukasyon, training ng mga guro, higit nang kailangan -Gatchalian 

LUNGSOD CALOOCAN, Dis. 26 (PIA) -- Binigyang diin ni Senator Win Gatchalian ngayong araw na higit na kailangan ng reporma sa kalidad ng edukasyon at training ng mga guro sa bansa, lalo na’t itinuturing niyang nasa ilalim ng isang krisis ang sektor ng edukasyon.

Ito ay matapos lumitaw na hindi lamang nahuhuli ang mga mag-aaral ng bansa pagdating sa Science at Mathematics, kundi wala pa sa kalahati ng mga mag-aaral ng bansa sa Grade 4 ang natuturuan ng malinaw o may “high clarity” ng kanilang mga guro, ayon sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019.

“Kailangan nating ireporma ang buong proseso ng edukasyon at pagsasanay sa mga guro mula sa pag-aaral sa kolehiyo, pagkuha ng lisensya, at pagtuturo sa mga pampublikong paaralan. Nasa ating mga pampublikong paaralan ang halos animnapung porsyento ng ating mga mag-aaral, kaya kung hindi maayos ang performance ng ating mga pampublikong paaralan, apektado ang buong bansa,” ayon sa chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Gamit ang sagot ng mga mag-aaral sa ilang tanong, sinuri ng TIMSS ang iba’t ibang aspeto ng pagtuturo ng mga guro. Kabilang dito ang kakayahan nilang pasagutin ang mga tanong nang malinaw, maipaliwang nang husto ang mga aralin, magsagawa ng iba’t ibang hakbang upang matuto ang mga mag-aaral, at muling ipaliwanag ang mga araling hindi pa lubos na nauunawaan ng mga bata.

Ayon sa TIMSS, 48 porsyento lamang ng mga mag-aaral sa Grade 4 ang nagsabing ang pagtuturo sa kanila sa Math ay may “high clarity” o malinaw na malinaw. Habang 37 porsyento ang nagsabing may “moderate clarity” o katamtamang linaw ang pagtituro sa kanila at 15 porsyento ang nagsabi ng may kaunting linaw o “low clarity.”

Pagdating naman sa Science, 48 porsyento rin ang nagsabing malinaw na malinaw ang pagtuturo sa kanila ng naturang subject, 36 ang nagsabi ng katamtamang linaw, at 16 na porsyento ang nagsabi ng kaunting linaw.

Ayon sa TIMSS, ang kalinawan ng pagtuturo ay naiuugnay sa matatas na marka sa Math  at Science. Ang marka ng Pilipinas para sa Mathematics ay 297 at 249 para sa Science. Ang mga markang ito ang pinakamababa sa 58 na bansang nakilahok sa naturang pagsusuri.

Bagama’t suportado ng Department of Education (DepEd) ang “upskilling” at “reskilling” ng mga guro at pinaglaanan din ng pondo para sa 2021 budget, binigyang-diin ni Gatchalian na sa kolehiyo pa lang ay dapat maigting na ang pagsasanay ng mga nais maging guro.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at ng Professional Regulation Commission (PRC) upang i-angat ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments