Tagalog News: Bakuna kontra COVID-19, posibleng magamit ng Pilipinas sa 2021

Sa Malacanang Press Briefing na idinaos sa Puerto Princesa, inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 121, na nagbibigay kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) na mag-isyu ng Emergency Use Authority (EUA) para sa gamot at bakuna sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). (Screenshot mula sa FB live coverage ng PTV)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Dis. 4 (PIA) -- Inaasahang makakabili na ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansa sa unang kuwarter ng 2021.

Ito ang ipinahayag ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo sa Presidential Press Briefing na ginanap sa VJR Hall ng Palawan Provincial Capitol kahapon.

“Itong mga kompanya naririnig natin, kapag na-approve na sa mga kani-kaniyang bansa nila, maaaring mag-apply na rin sila dito sa Pilipinas, at kapag nag apply na sila dito sa atin, sa Enero mayroon na tayong maibibigay na Emergency Use Authorization (EUA) at baka po mapaaga ng kaunti, magkaroon ng chance na mga Marso ay magkaroon na ng bakuna dito sa Pilipinas,” ani Domingo.

Sa press briefing din inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 121 noong Disyembre 1, na nagbibigay ng kapangyarihan sa FDA na magbigay ng EUA para sa gamot at bakuna kontra COVID-19.

Sinabi ng kalihim na mahalaga ang EUA dahil mapapabilis ang pagkakaroon ng gamot at bakuna laban sa sakit na maaaring magamit, kung saan ang proseso ay magtatagal lamang ng hanggang 21 araw.

“Konting tulog na lang po, darating sa Pilipinas (ang bakuna), ang ninanais ng Presidente abutan natin ang bakuna sa pamamagitan ng mask, hugas, at iwas,” ani Roque.

Sinabi naman ni Undersecretary Domingo, mapapabilis ang pag-iisyu ng EUA doon sa mga bakuna na rehistrado sa foreign FDA, bagamat may mga kondisyon na kinakailangan pang gawin ang magsu-suplay ng mga ito sa bansa.

 “Kapag may nag -apply at kumpleto ang kanilang requirements na pinakita, magagawa po natin na 21 to 28 araw ang processing, saka bibigyan ng EUA…dapat may katumbas itong EUA galing sa bansang pinanggalingan niya,” pahayag pa ni Domingo.

Dagdag pa ni Roque, nasa 60 milyong bakuna ang nakatakdang bilhin ng gobyerno ng Pilipinas na siyang pagkakasyahin sa lahat ng mamamayan nito.

Gayunpaman, bukas ang pamahalaang nasyunal sa posibilidad na tumanggap ang mga lokal na pamahalaan sa bansa ng kani-kanilang pagkukunan ng bakuna.

Maaari rin aniya na makabili ang mga LGU na naglaan ng kanilang sariling pondo para sa bakuna, sa pamamagitan ng pamahalaang nasyunal na siyang direktang kausap ng mga kompanyang magsu-suplay nito.

Ang lungsod ng Puerto Princesa, sinabi ni Mayor Lucilo Bayron na bagamat wala pang katiyakan kung paano makakabili ng bakuna, naglaan na sila ng P100 milyon para dito. (LBD/PIAMIMAROPA)

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments