Tagalog News: Kampanyang ‘Iwas Paputok 2021’ isinusulong ng DOH

Naging panauhin ng PIA Mimaropa sa isinagawang nitong Virtual Presser kamakailan ang mga kawani ng DOH Mimaropa upang talakayin ang isyung napapanahon gayundin ang mungkahing pamamaraan ng pagiwas sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ngayong bagog taon. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Dis. 28 (PIA) -- Isinusulong ng Department of Health (DOH)-Mimaropa ang mga alternatibong pamamaraan sa pagsalubong sa bagong taon.

Ito ang ipinahayag sa isinagawang virtual presser kasama ang mga kawani ng nasabing tanggapan at ng Philippine Information Agency Mimaropa kamakailan.

Ayon kay DOH Medical Officer Sahlee Montevirgen-Sajo, “isinusulong ng aming kagawaran ang mga maaring gamitin sa paglikha ng mga ingay pagsapit ng hatinggabi ng Enero 1 bilang pagsalubong sa bagong taon upang tayo’y maging ligtas sa anumang kapahamakan dulot ng mga paputok.”

Ang torotot aniya ay hindi muna maaring gamitin dahil puwede itong maging transmisyon ng COVID19 sa pamamagitan ng mga laway na didikit dito na puwede din gamitin ng ibang tao o miyembro ng pamilya.

Dagdag pa ni Montevirgen-Sajo, isinusulong nila ang pitong alternatibong pamamaraan sa pagsalubong sa bagong taon sa pamamagitan ng mga sumusunod; pagpalo ng tambol, busina ng mga sasakyan, pag ilaw ng mga glowing stick, pag pompiyang ng mga takip ng kaldero, alog ng alkansiya, kumpas ng tamborin at pagpapatugtog ng malakas na musika mula sa mga sound system o videoke.

Samantala, upang maging ligtas aniya ang mamamayang Mindoreño at ang kapaligiran kailangan na mayroong itinalagang lugar ang mga local government unit (LGU) o bawat barangay kung saan maari lamang magpaputok.

Katuwang ng DOH ang mga tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Trade and Indudtry (DTI) at iba pang stakeholders sa pagsulong ng programang ito. (DN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments