Tagalog News: 2 Senior Citizen sa Sibale, tumanggap ng 50k mula Prov'l Gov't

Dalawang senior citizen, sa bayan ng Concepcion sa dulong bahagi ng Romblon, na edad 95 ang nakatanggap nitong Miyerkules ng tig-P50,000 na cash incentive mula sa pamahalaan panlalawigan. (Larawan mula kay Jose Rizal Reyes)

CONCEPCION, Romblon, Enero 29 (PIA) -- Dalawang senior citizen, sa bayan ng Concepcion sa dulong bahagi ng Romblon, na edad 95 ang nakatanggap nitong Miyerkules ng tig-P50,000 na cash incentive mula sa pamahalaang panlalawigan.

Ang nasabing cash incentive ay tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga matatandang walang natatanggap na pensyon sa gobyerno.

Ang natanggap nilang pera ay maaari nilang magamit pambili ng kanilang mga kailangang pagkain at gamot.

Hiwalay pa ito sa ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kapag umabot sila sa edad na 100 taon bilang 'centenarian gift' mula sa pamahalaang nasyonal.

Tumungo ng Sibale Island, Romblon ang isang grupo ng mga kawani ng pamahalaan panlalawigan nitong Miyerkules upang mag-abot sa isla ng limang programa para sa mga residente sa lugar.

Ito ay ang social pension para sa mga may kapansanan, honorarium ng mga day care workers, educational assistance sa mga solo parents, governor's scholarship program, at pag-aabot ng cash incentive para sa mga senior citizen na edad 95 pataas. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments