LUNGSOD NG BATANGAS, Marso 1 (PIA) --Nasa 46 na mga Batangueño persons with disabilities (PWD) ang nakatanggap ng assistive devices mula sa Department of Health (DOH) noong ika- 22 ng Pebrero.
Ang mga benepisyaryo ng walker, crutches at white cane ay mula sa mga bayan ng Bauan, Cuenca, San Pascual at Malvar, at Lungsod ng Lipa.
Naisakatuparan ang proyekto ito sa pakikipag-ugnayan nina Provincial Disability Affairs Officer (PDAO), Ginoong Edwin De Villa, at Provincial Federation President of Persons With Disability, Ginoong Nelson R. Adante, kina Regional Director Dr. Eduardo Janairo at Paulina Calo ng DOH-Region IV-A CALABARZON.
Ayon kay Ginoong Adante, naging posible ang nasabing gawain dahil sa patuloy na pag-agapay sa PWD sector ng Provincial Social Welfare Development Office sa pangangasiwa nina PSWDO department head Jocelyn R. Montalbo at PWD Focal Person Joan Mae Mendoza.
Aniya, dama ng mga Batangueñong PWDs ang pagpapahalaga sa kanilang kapakanan dahil sa mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng nasabing mga kagamitan sapagkat kung noong una ay sila ay nananatili lamang sa kanilang tahanan, sila ay maaari nang makalabas at makisalamuha sa kapwa sakaling matapos na ang pandemyang kinakaharap na siyang nagbibigay ng limitasyon sa mga tulad nila upang lumabas at makihalo sa karamihan. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with report from Batangas Province PIO)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments