Tagalog News: Mga proyekto sa RoManBul, nakakuha ng dagdag suporta mula kongreso  

Tinanggap ng mga kapitan ng barangay mula sa mga bayan ng Roxas, Mansalay at Bulalacao (RoManBul) ang Certificate of Awards na may nakalaang P3 milyong piso na proyekto para sa kanilang nasasakupan na ipinagkaloob ni Senior Deputy Speaker, Congressman Doy Leachon at Congressman Alfonso "PA" Umali, Jr. (kuha ng Team MBS ni Cong. Leachon)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Peb. 28 (PIA) -- Pinangunahan nina Senior Deputy Speaker at kinatawan ng unang distrito na si Cong. Salvador ‘Doy’ Leachon at ng ikalawang distrito na si Congressman Alfonso ‘PA’ Umali, Jr., ang pamamahagi ng mga ‘Certificate of Awards’ na bahagi ng Joint Congressional Barangay and Municipal Projects para sa mga barangay sa bayan ng Roxas, Mansalay at Bulalacao (RoManBul) kamakailan.

Makikinabang sa nasabing proyekto na nagkakahalaga ng tig – P3 milyon ang 20 barangay sa Roxas; 17 sa Mansalay; at 15 sa Bulalacao.

Sinabi ni Leachon, “matatapos ang aking termino bilang kongresista at pangalawa sa pinakamataas na opisyal sa kongreso sa 2022 kaya nararapat lamang na maramdaman ng aking mga kababayan ang pag-unlad ng Oriental Mindoro.”

Lubos din aniya ang kanyang pasasalamat kay Congressman Umali na tumutulong para sa pangkalahatang programang pangkaunlaran ng lalawigan. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments