LUNGSOD CALOOCAN, Marso 1 (PIA) -- Ipinanukala ni Senator Win Gatchalian ngayong araw na magbuo ang Department of Education (DepEd) ng sarili nitong “panel of experts” na magsisilbing gabay sa pagsasagawa ng hiling na "pilot test" para sa pagbabalik ng "face-to-face classes" sa mga lugar na may mababang risk sa COVID-19.
Dahil ang pangkalahatang sitwasyong pangkalusugan ang tinututukan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang panel ng mga eksperto sa ilalim ng DepEd ang maaaring sumuri sa pilot testing program ng face-to-face classes gamit ang mas angkop na kaalaman, lalo na’t magkakaiba ang sitwasyong kinakaharap ng mga paaralan.
“Hindi naman ibig sabihin na dahil nagkansela ng face-to-face classes, titigil na rin tayo sa pilot schools. Ito ay magandang paraan para mapag-aralan ng ating mga siyentista ang maaaring gawin upang maibsan ang matinding pinsala ng COVID-19 sa ating mga mag-aaral,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Bagama’t unang binalak ng DepEd na magsagawa ng pilot test sa may 1,065 mga paaralan, pabor si Gatchalian sa mga suhestiyon na isagawa ang mga ito sa mas maliit na bilang ng mga paaralan na dadaluhan ng mas maliit na bilang ng mga mag-aaral sa mga lugar na wala o maliit ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Ibinahagi ng Philippine Pediatric Society (PPS) ang resulta ng pag-aaral sa 191 bansa, kung saan walang ugnayang nakita sa kalagayan ng mga paaralan sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa komunidad. Nagbabala rin ang organisasyon na ang isang taong pagsasara ng mga paaralan ay katumbas ng dalawang taong pagkawala ng pagkatuto ng mga estudyante.
Dagdag ng PPS, ang epekto ng pangmatagalang pagsasara ng mga paaralan—katulad ng pag-urong ng kaalaman, pagtaas ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at maagang pagbubuntis—ay maaaring mapigilan kung ang mga hakbang para sa kaligtasan ay mahigipit na ipatutupad.
“Maaaring maging mas malalim at mas matagal ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan. Bago pa tumama ang COVID-19, ang mga mag-aaral ay nahuhuli na sa mga international large-scale assessments at mababa na rin ang kanilang mga national achievement scores. At dahil sa kawalan ng face-to-face classes, internet, at gadgets, napag-iwanan lalo ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Muli ring idiniin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa mga guro para sa vaccination program. Sa Indonesia, halimbawa, una nang nabakunahan ang mga guro bago ang iba pang nasa hanay ng vulnerable groups. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments