Tagalog News: Proteksyon, kaligtasaan siniguro ng pamahalaan sa COVID-19 vaccination

Pinapaliwanagan ng vaccinator  si FDA Director General Eric Domingo sa mga posibleng nyang maramdaman epekto ng pagbabakuna. Inset: itinutusok sa braso ni Dr. Domingo ang Coronavac, ang bakuna ng SInovac na ipinadala ng Tsina kahapon. (Ang larawan ay mula sa screenshot ng TV Coverage ng PTV-4)

LUNGSOD NG QUEZON, ika-1 ng Marso (PIA) -- Sa nakaraang Mimaropa Virtual Town Hall Meeting on the COVID-19 Vaccine Roll-out, lahat ng mga proteksyon o safeguard ay inilatag para sa kaligtasan ng mga babakunahan.

“Dahil bago ang bakuna, kailangan bantayan ang lahat ng binakunahan.  Kailangan i-monitor ang side effects, makikita natin“, sabi Dr. Eric Domingo, ang direktor heneral ng Food and Drug Administration (FDA), 

Maari pang repasuhin ang naibigay na Emergency Use Authorization (EUA) at vaccination program, “kasi maraming tayong natutunan,” sa mga bagong bakuna sabi ni DG Domingo.

Ilan sa mga halimbawa ni DG Domingo ang napaulat na allergic reactions sa bakuna ng Pfizer sa Amerika at ang reaksyon ng isa pang bakuna na nakaapekto sa ilang senior citizens na may mga sakit sa Norway.

Si DG Domingo ang ikatlong opisyal na nagpabakuna ngayong Lunes sa UP-PGH.

Para naman kay Dr. Marion Kwek, ang chairperson ng Health Education Committee ng Philippine Society of Microbiology and Immunology Inc., hindi lahat ng side effects ay may kinalaman sa bakuna.

Sa napaulat na kaso ng Thrombocytopenia  (mababang platelet count)  sa ilang mga nabakunahan sa Estados Unidos, sinabi ni Dr. Kwek na walang nakita ang mga imbestigador na kaugnayan ang pagbabakuna sa mga nagkakasakit.

Tiniyak ni Dr. Kwek na susuriin pa rin ang mga kaso ng adverse effect o side effect na lalabas pagkatapos ng bakunahan.

Sa kabilang dako, sinabi ni DOH CHD Mimaropa Regional Director Mario Baquilod na sasagutin ng pamahalaan ang pagkakasakit ng sinumang mababakunahan.

Paalalala lang ni Dr. Baquilod sa mga magtuturok ng bakuna, laging ipaliwanag sa mga kababayan kung ano ang mga posibleng mangyari matapos ang pagbabakuna. (LP)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments