LUNGSOD CALOOCAN, Marso 8 (PIA) -- Nanawagan ng agarang imbestigasyon si Senator Win Gatchalian sa balitang may mga magulang at mag-aaral na sangkot sa “sagot for sale” habang nagbabala ang senador sa mga posibleng pinsalang idudulot sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa nakaraang pandinig sa Senado na tumalakay sa pagpapatupad ng distance learning ngayong Academic Year 2020-2021, binalikan ni Gatchalian ang iniulat ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na may ilang mga magulang na nagbabayad ng mga maaaring sumagot sa modules ng kanilang mga anak. Ang iba aniya sa mga binabayaran ng mga magulang ay maaaring makontak gamit ang internet.
“Huwag naman sanang gawin ng mga magulang iyon dahil kawawa ang mga bata. Hindi natin sila natutulungang matuto sa ganyang mga paraan,” sabi ni Gatchalian.
Magkakaroon muli ng pandinig sa Senado upang matalakay ang proseso ng assessment ng mga mag-aaral. Ayon sa Department of Education (BTS), mahigit siyamnapu’t siyam (99.13) na porsyento sa mahigit labing-apat (14) na milyong mag-aaral ang nakapasa sa first quarter. Hindi kasama rito ang datos mula sa National Capital Region, Region 7, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pero sabi ni Gatchalian, iba ang sitwasyon ng mga mag-aaral sa Valenzuela na aniya’y may kahalintulad na resulta sa mababang national achievement scores ng mga mag-aaral sa bansa. Halimbawa, may average na apatnapu’t walong (48) porsyento ang mga nasa Grade 8 sa lahat ng subject, limampu’t isang (51) porsyento sa Grade 9, at limampu’t limang porsyento (55) naman sa Grade 10 sa lahat ng subject. Lahat ng resultang ito ay ‘di hamak na malayo sa passing rate na pitumpu’t limang (75) porsiyento.
Bagama’t kinikilala ni Gatchalian na ang ulat ng DepEd ay base lamang sa datos na nagmumula sa mga rehiyon, iginiit niya ang pangangailangan ng mas malinaw na pag-unawa sa proseso ng assessment sa ilalim ng distance learning, lalo na’t nahaharap tayo sa mraming hamon tulad ng kakulangan ng paggabay ng mga guro at maayos na internet connection.
“Alam kong ito ay isang hamon ngunit kailangan nating lubos na maunawaan ang assessment na ginawa ng DepEd. Nais din nating makita ang pag-aanalisa sa bawat subject. Ito ay dahil nais nating matukoy kung saan mahina ang ating mga mag-aaral,” dagdag ng senador.
Ayon pa kay Gatchalian, kailangang humabol ng mga mag-aaral ng bansa matapos lumabas ang resulta mga international large-scale assessments, kung saan ipinakitang nahuhuli at nahihirapan ang mga mag-aaral na lubos na matutunan ang kanilang mga aralin. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments