LUNGSOD NG COTABATO, Marso 14 (PIA)—Abot sa 100 mahihirap na kababaihan sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao ang unang nakatanggap ng relief packs at dignity kits mula sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM).
Ito ay programa ng MSSD, sa pamamagitan ng MSSD Maguindanao Provincial Office, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng International Women’s Month.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay sampung kilong bigas, isang kilo ng asukal, sampung piraso ng de lata, gatas, biscuits, noodles, at kape. Namahagi din ang MSSD ng dignity kits na may lamang mga sanitary pad, alcohol, face towel, toothbrush, toothpaste, nail cutter, facemask, face shield, shampoo, bath soap, at suklay.
Sa ginanap na programa, tinalakay ni Ustadza Anisah Taha-Arab ng grupong Noorus Salaam National Women Council ang topikong ‘Women’s Strength Amidst Pandemic in Islamic Context’. Binigyang-diin nito ang pagiging aktibo ng kababaihan sa kani-kanilang komunidad sa gitna ng kinakaharap na krisis dulot ng Coronavirus Disease 2019.
Samantala, isasagawa din ngayong buwan ang kahalintulad na aktbidad sa iba pang mga probinsya ng BARMM.
Ang selebrasyon ng women’s month sa rehiyon ay naka-angkla sa temang, “Fatima Laban sa Pandemya: Kaya!”. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments