Binibigyan ng oryentasyon ni G. Ramezes Torres ng DOLE-Oriental Mindoro Provincial Office ang mga benepisyaryo tungkol sa TUPAD program ng gobyerno. (Kuhang larawan: DOLE-Mimaropa)
LUNGSOD NG CALAPAN, Mar. 19 (PIA) -- Umabot sa 1,060 na mga manggagawa mula sa ikalawang distrito ng lalawigan ang nakinabang sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE)- Mimaropa.
Sa pakikipag-ugnayan ng DOLE-Oriental Mindoro Provincial Office sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang Public Employment Service Office (PESO), ang mga benepisyaryong natukoy mula sa iba’t ibang bayan ay ang mga sumusunod: Gloria, 212 benepisyaryo; Bansud, 212 benepisyaryo; Bongabong, 207 benepisyaryo; Roxas, 212 benepisyaryo; at Bulalacao na may 217 na mga benepisyaryong makikinabang sa programa.
Ang mga benepisyaryo ay binigyan ng oryentasyon kamakailan ni DOLE Oriental Mindoro TUPAD Focal Person Ramezes Torres tungkol sa tamang pag-iingat sa panahon ng pandemya gayundin ang tamang paraan ng pagbibigay ng mga dokumentong kinakailangan para sa pagproseso ng kanilang mga sahod.
Ayon kay G. Torres, ang mga benepisyaryo ay sasailalim sa 10 araw na pagtratrabaho sa komunidad, tulad ng paglilinis ng paligid at mga kanal, pag-aayos ng pampublikong istruktura at iba pang trabaho na may kaugnayan sa pag-mentina ng kapaligiran sa mga komunidad.
Ang mga benepisyaryo ay tatanggap ng kabuoang P3,200 o halagang P320 kada araw. Ito ay makukuha nila sa mga partner remittance center ng DOLE matapos nilang maisumite sa DOLE ang mga kinakailangang dokumento.
Ayon sa DOLE, lahat ng benepisyaryo ay bibigyan ng personal protective equipment (PPE) tulad ng caps, long-sleeved shirts at gloves at ii-enrol din sila ng gobyerno sa Group Personal Accident Insurance (GPAI) ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang proteksyon.
Ang TUPAD sa ilalim ng Bayanihan 2 ay isang safety net program na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa mula sa informal sector at mga self-employed na manggagawa na nawalan o naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19. (LTC/PIA-OrMin)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments